7.31.2012

ANG KAGANDAHAN



Walang ginagawa sa kanilang sarili pero kung iyong tititigan ang mga bulaklak na ito, mas higit pa ang kagandahan nila kaysa ating mga beauty queens.


Marami ang nagsasabing ang kagandahan ay hindi nakikita sa panglabas na anyo kundi nasa kalooban. Masasalamin ang kagandahan ng loob sa pamamagitan ng kanyang mga mabubuting gawa.


Gayunpaman, marami ang nagpapaganda sa kanilang panglabas na anyo kaysa loob.  Ebedensiya  d’yan ang mga naglalabasang produktong pampaganda.  Nagsusulputang parang mga kabote na beauty parlor.  Mga billboard at commercial na nang-aakit. Hindi lamang tinatapyas ang katawan kundi pati tabas ng mga damit kita na ang langit. Nagpapaglamorosa sa kasuotan.

Ang tao ay tunay na maganda.  ‘yan ang tunay n’yang kalikasan.  Sapagkat siya ay nilikha ng Diyos.  At ang Diyos ay maganda.  At lahat ng kanyang nilikha ay maganda at mabuti. 

Babalikan ko ang pag-uusap ng Diyos at si Adan.  Tinanong ng Diyos si Adan, “Saan ka naroon?”  “Natakot po ako nang marinig kong kayo’y nasa halamanan; nagtago po ako sapagkat ako’y hubad,” sagot ng lalaki.  Nagtanong muli ang Diyos, “Sinong maysabi sa iyong hubad ka? [Genesis 3: 8-11]. 

Nais ko ring magtanong.  Sino ang nagsasabing pangit ka?  Kapag tinawag pong pangit ang isang tao, hindi ba pinipintasan natin ang nilikha ng Diyos o ang Diyos mismo?  Gusto nating higit pang mas maganda pa kaysa Diyos kung kaya’t pati mga gawa n’ya ay pinakikialaman natin.  Ano ba ang pananaw mo sa kagandahan?  Ano ang nag-uudyok sa iyo para higit ka pang magpaganda?  Hindi ka ba kuntento sa ibinigay sa iyo ng Diyos?  Bakit?

Tinukso ng demonyo si Jesus.  Sinabi nito sa kanya, ‘Kung ikaw ang Anak ng Diyos, magpatihulog ka, sapagkat nasusulat, ‘Sa kanyang mga anghel, ika’y itatagubilin, at sa kanilang mga kamay, ika’y aalalayan, nang sa mga bato, paa mo’y hindi masasaktan.’ “  Ngunit sumagot si Jesus, “Nasusulat din naman, ‘Huwag mong susubukin ang Panginoong mong Diyos.’ “ 

Ano ang mapapala ni Jesus kung siya ay magpapatihulog?  Magiging sikat siya.  Subalit nais ni Jesus ay ang maging ordinaryong tao.  Hindi ba Diyos siya pero pinili niyang maging tao? Isang karpentero?

Hindi kaya ang ating sinasabing pagpapaganda ay dahil gusto nating maging sikat din?  Kinikilala?  Pinagkakaguluhan?  Sinasamba? 

Bakit? 

Sino ang may sabing pangit ka?



HAPPY NEW YEAR 2010!