10.03.2009
NANG MAGTAGPO ANG LANDAS NINA STA TERESITA AT ONDOY SA MUNTI NGUNIT BINAHANG DAAN
[Isinulat noong ika-1 ng Oktubre, 2009 sa Kapistahan ni Santa Teresita ng Batang Jesus]
Si Santa Teresita ng Batang Jesus na isang madreng Carmelita ang aking naging katekista upang ituro ang landas ng pagpapakabanal sa pamamagitan ng pagtawid sa munting daan – ang “way of spiritual childhood.” Ipinahayag ni Santa Teresita sa kanyang talambuhay: “The Story of a Soul” kung paano ako makipag-ugnayan sa mapagmahal na ating Diyos. At ito ay ang pagtulad sa mga katangian ng isang munting bata.
Si Ondoy ay ang bagyong humagupit sa buhay ng mga Pinoy na nagdala ng malakas na pagbuhos ng ulan, sapat na upang balutin ng baha ang Metro Manila at mga karatig pook lalo na ang Marikina at Rizal province. At sa kanyang paglisan, isang malagim na pinsala ang idinulot. May buhay na nasawi. Winasak na bahay. Inanod na mga kagamitan. Paghihirap ng katawan at kaluluwa. Isang peklat na dadalhin habang nabubuhay. At isang bata lamang ang may kagagawan nito. . . si Ondoy [sa Cebuano: little naughty boy].
Pwede nang pagpasensiyahan si Ondoy dahil siya ay isang bata. Walang alam kundi maglaro at gumawa ng kalat. At upang di maperwehisyo ang mga matatanda, dapat alam na nila ang kanyang gagawin. Ngunit hindi nga naging handa ang mga matatanda kaya ng mag-alburuto ang bata, doble o trepling pinsala ang binigay.
Sa sobrang paghihinagpis at paghihirap na dulot ni Ondoy paano ba natin dadalhin ang sakunang nangyari at paano ba natin ito titingnan ayon sa ating pananampalatayang Kristiyanong Katoliko.
Si Santa Teresita ay nagbigay ng liwanag at pag-asa upang malampasan natin ang malagim na karanasan na ito at harinawa ay maghatid sa atin ng pagbabagong buhay.
Tumingin tayo sa mga munting bata. Ano ang nakikita ninyo sa kanila? Ano ang kanyang mga katangian.
Ang munting bata ay madaling tumanggap anuman ang ibigay mo sa kanya. Bigyan mo siya ng kendi, kukunin niya agad ito na walang pag-aalinlangan. Bigyan mo siya ng malakas na ulan at baha, maglalaro siya sa ulan at baha. Dahil alam niya na di siya pababayaan ng kanyang ama’t ina.
Binigyan tayo ng malakas na ulan at baha ni Ondoy, at pakiwari ko, mahirap tanggapin sapagkat malaki ang nawala sa atin. Nawala ang buhay ng kamag-anak natin. Nawala ang ating bahay. Nawala ang mga gamit na pinundar natin at hindi pa tapos sa pagbabayad. Nasira ang mga kagamitan na iniingatan natin sapagkat may halaga sa atin. Halos walang matira sa ‘tin kundi ang mga saplot sa ating katawan. Mahirap at hindi madaling tanggapin. Subalit, upang malampasan natin ang mga bigat na dinadala sa puso natin, kailangan ay marunong tayong tumanggap. Kahit masakit sa kalooban natin. Kailangan tanggapin. Tulad ng isang bata, tanggapin natin itong walang pag-aalinlangan sapagkat and’yan ang Diyos Amang mapagmahal na kumakalinga sa atin. Hindi niya tayo pababayaan. Magbibigay siya ng mga taong tutulong at kakalinga sa atin. Magtiwala ka lamang.
Ang munting bata ay mahina. Sa kabila ng kanyang kahinaan, naroroon ang kanyang pagiging mapapakumbaba.
Maaaring sisihin natin ang Diyos sa mala-delubyong ulan at baha. Okay lang ‘yan. Human level, iyan ang unang magiging reaction natin. Bahagi ‘yan ng kahinaan natin, ang sisihin ang iba. Pero, huwag tayong manatili dito, bagkus lampasan natin ito. Huwag tayong patatalo sa ating mga emosyon. Buksan natin ang ating puso at isipan. Magkaroon ng bagong pagtingin sa sitwasyon. Ayaw ng Diyos na mangyayari ito sapagkat mahal niya tayo subalit maaaring hinayaan niyang mangyari ito upang higit pa tayong magtiwala sa kanya. Sa ganitong sitwasyon, wala tayong ibang makakapitan kundi ang Diyos. At kailangan tayong magpakumbaba upang makalapit sa kanya. Ang Diyos ang magbibigay sa atin ng lakas at siya ang ating tagapagligtas. Hinayaan ng Diyos na mangyayari ito sapagkat maaaring nakakalimutan na natin ang Diyos sa ating pang-araw-araw na buhay. Wala ng ibang naghahari sa puso natin kundi mga diyus-diyosan ng mundong ito. Ang mga pangyayari ay nagpapakita lamang na walang ibang mas makapangyarihan kundi ang Diyos Ama. Subalit hindi kagagawan ng Ama ang mga pangyayari kundi ng tao mismo na naging iresponsable sa paggamit ng ipinagkatiwala sa kanya ng Diyos. At kabahagi tayo dito. Kung meron mang sisihin, hindi ang Diyos kundi ang ating mga sarili mismo. Dulot ito ng ating mga kasalanan. Ang kasalan ang sumisira sa ugnayan ng Diyos at tao. Sinira ng kasalanan ang ugnayan ng tao sa kanyang kapaligiran. Sinira ng kasalanan ang kaayusan. Tulad ng munting bata, tayo ay may mga kahinaan. At ang Diyos ang ating kalakasan. Ang kanapang ito ay maaaring isang panawagan sa atin ng Diyos na lumapit sa kanya at magbalik-loob sa pamamagitan ng Sakramento ng Kumpisal. Isang tanda ng pagiging mapagpakumbaba ay marunong tumanggap na siya ay makasalanan, na siya ay mahina.
Ang munting bata ay dukha. Mahirap. Pobre. Walang kayamanan. Walang pag-aari.
At ito ang mga naging karanasan natin sa nagdaang bagyong si Ondoy. Nawalan ng pag-aari. Halos walang makain. Umaasa lamang sa rasyon at sustento ng kapwa. Subalit huwag tayong matakot na harapin ang mga pangyayaring ito. Sa kabila ng lahat, mamuhay tayong masaya at payapa. Sino ba ang nakakaalam na mangyayari ito sa ating buhay? Ganyan din ang munting bata. Hindi natatakot na madapa sapagkat alam niya na nandiyan ang kanyang mga magulang upang ibangon at buhatin siya. Nandyan ang kanyang mga magulang upang siya ay damayan. Nandyan ang kanyang mga magulang upang siya ay subuan at pakainin. Nandyan ang ating Diyos na nagmamahal, nakikiisa sa ating mga paghihirap. Nababatid nya ang ating nararamdaman at saloobin. Hindi niya tayo pababayaan. Nagpapadala siya ng mga taong tutulong sa atin. Ang mahirap nito, sa kabila ng ating kahirapan ay patuloy pa rin tayong mapagmataas at mayabang. Sa kabilang banda naman, ang mga di nasalanta, ay patuloy na nagdadasal at tumutulong sa mga naapektuhan ng tantrum ni Ondoy. Ang pagiging dukha ay hindi nangangahulugan na wala kang pag-aari kundi sa kabila ng mga kayamanan mo, sa Diyos ka pa rin umaasa at lumalapit. At ang kayamanang ipinagkatiwala ng Diyos ay ipinapamahagi sa kapwa.
Ang munting bata ay payak at simple.
Isang eye opener ang nangyaring bagyo ay pagbaha. Maaaring ang ibig sabihin nito ay mamuhay tayong simple. Baguhin ang uri ng ating pamumuhay. Ang ating lifestyle. Mamuhay tayo tulad ng munting bata. Simple. Walang inaalaala na may mawawala sa kanya sapagkat wala siyang pag-aari o kayamanan na mananakaw o mawawala, masisira o aanurin. Kung kaya siya ay masaya ay payapang namumuhay kung ano meron siya. Sa panahon natin ngayon parang mahirap ang mamuhay ng simple sapagkat napapalibutan tayo ng mga material na bagay na lalong nagdudulot ng paghihirap. Mamuhay tayong simple sapagkat ang Diyos ang pupuno sa ating mga kakulangan. Kasama dito ang pagbabago ng ating pag-iisip dahil ang isip ang nag-uudyok sa tin kung ano ang gagawin. Ang munting bata ay simple kung mag-isip.
Ang munting bata ay mapagtiwala. Kahit di ka kilala, lalapit siya sa’yo at ipadadama ang pagyakap na puno ng pagmamahal.
Sa oras ng kagipitan, naipakita natin ang ating pagtitiwala sa mga taong handang sumaklolo at tumulong sa atin. Nagtitiwala tayo sa mga taong nagbibigay ng pagkain at nagluluto ng pagkain para sa atin. Higit sa lahat, ipinakita natin ang pagtitiwala sa Diyos sa pamamagitan ng mga panalangin. Sa oras ng kahinaan natin, naroroon ang lakas ng loob na ialay ang sarili sa Diyos. Ipinagkatiwala natin ang ating buhay sa Diyos sapagkat naniniwala tayo na siya ang ating tagapagligtas. Kahit dumaan na ang bagyong si Ondoy, patuloy pa rin tayong magtiwala sa Diyos.
Ang munting bata kahit siya ay mahirap at simple, ang tanging kayamanan niya ay pag-ibig. Oo, pag-ibig. Kung magmahal ang bata ay ibinibigay n’ya ang lahat. Mararamdaman mo ito sa kanyang mga yapos at halik.
Nawalan man tayo ng kapamilya at kapuso, nawalan man tayo ng bahay, kagamitan, ngunit hindi nawala sa atin ang pag-ibig. Ito ang kayamanang naiwan sa atin na ating ipagmalaki. Sa kabila ng mga paghihirap na dinanas sa kasagsagan ng bagyo at baha, naroroon pa rin ang ang ating pagtulong sa kapwa. Pag-ibig sa kapwa, ito ang ating payabungin at paunlarin at ibahagi. Ang munting ginagawa natin na may pagmamahal ay magdadala sa atin sa kabanalan. Dahil sa pag-ibig, lahat ng paghihirap at pagdurusa ay ating madadala at iaalay sa paanan ni Jesus na nakapako sa krus. Nawa’y an gating karanasan sa bagyong si Ondoy ay higit pang magpatibay ng ating pag-ibig sa Diyos at kapwa. “Dukha man ako sa lahat, ang tangi kong yaman ay mabuhay sa pag-ibig” – Santa Teresita – “Ang aking Bokasyon ay Pag-ibig”
Sa pagtatagpo ng landas nina Santa Teresita at Ondoy sa munti at binahang daan, matagpuan din nawa natin ang ating mga sarili. Hindi lamang ang loob ng bahay ang ating linisin kundi higit sa lahat ang putik sa kalooban natin. Itapon na rin natin ang dating mga sarili at magbihis ng bagong damit ng pananampalatayang may paniniwala, pagtitiwala at pagsunod sa kalooban ng Diyos. Ilang Ondoy man ang dumarating sa ating buhay, ianod man mga kagamitan ng baha kung lalanguyin natin ang munting daang itinuro ni Santa Teresita, wala pa ring makagagapi sa ating pananampalataya kay Kristo Jesus.
Mga etiketa:
St. Therese of the Child Jesus
Mag-subscribe sa:
Mga Post (Atom)