1.01.2010
BAGONG TAON, BAGONG BUHAY
Sinalubong natin ang Bagong Taon na punong-puno ng buhay. Buhay na buhay ang mga tao. Masiglang masigla tayo. Maingay sa ibat-ibang uri ng paputok at torotot. May kantahan. May sayawan. May palaro. Ipinagdiriwang ang Bagong Taon. Ipinagdiriwang sa pamamagitan ng salu-salo: sa Banal na Misa at sa mahabang mesa.
Bagong Taon. Bagong simula.
Magandang simulan ang bagong taon na may sigla na nagmumula sa ating sarili at para sa ating kapwa. At simulan ang paglalakbay na punong-puno ng buhay at pag-asa.
Bagong simula. Bagong buhay.
Simula ng bagong buhay. Sinilang ang isang sanggol na ang pangalan ay Jesus.
Kailangan ng isang sanggol na kakalinga at mag-aaruga sa kanya upang Siya ay mabuhay.
Kailangan n’ya ng isang ina.
Kailangan ni Jesus si Maria. Si Maria ang Ina ni Jesus. Si Maria ay Ina ng Diyos sapagkat si Jesus ay Diyos.
Unang araw ng Bagong Taon, ika-1 ng Enero, ipinagdiriwang ng buong Simabahan ang Kapistahan ni Maria, Ina ng Diyos. Kaya’t higit pa sana ang ating pagdiriwang kaysa pagsalubong sa bagong taon. Nakakalungkot lamang, sa aking karanasan at obserbasyon, kakaunti ang nagsisimba sa araw na ito. Marahil puyat at tulog. Marahil nalasing sa ingay at kasiyahan. Marahil hindi alam na ngayon ay Kapisatahan ni Maria, ang Ina ng Diyos. Ang Ina nating lahat.
Gayunpaman, sa bagong taon na ito, sa bagong paglalakbay, mainam na ipagkatiwala natin ang ating buhay sa mapagkalinga at mapag-arugang pagmamahal ni Maria. Dadalhin at ilalapit tayo ni Maria kay Jesus.
At sa ating paglapit kay Jesus sa pamamagitan ni Maria, nawa’y sumibol ang bagong buhay. Tulad ng sinasabi ng isang awitin:
“Bagong taon, tayo’y magbagong buhay, nang lumigaya ang ating bayan. Tayo’y magsikap upang makamtan natin ang kasaganahan.”
Makapagbabago lamang tayo ng buhay kung tayo ay lalapit kay Jesus. Makiisa tayo sa gawain ni Maria. Kaya’t kailangan natin pagsumikapan din ang paglapit kay Jesus ng sa gayon makamtan natin ang biyaya na dulot ni Jesus sa pamamagitan ni Maria – ang buhay.
Si Jesus ang Buhay. Si Maria ang Ina ng Buhay.
Tayo ay patuloy na inaanyayahan ni Maria na dumalo sa Banal na Eukaristiya upang tanggapin ang Buhay – si Jesus. Kung tatanggapin natin si Jesus sa Banal na Komunyon, hindi lamang tayo ang liligaya kundi pati ang buong bayan. Kailangan natin si Jesus, lalo na ngayong malapit na ang Eleksyon 2010. Ang buhay ng bayan ang nakasalalay dito.
Nag-iingay ang bayan sa pagsalubong ng Bagong Taon upang itaboy at lumayas ang mga masasamang espiritu. Paano maitataboy at lalayas ang masamang espiritu kung nasasaatin mismo lumulukob ang masamang espiritu?
Kung nais nating maging masagana ang buhay natin, ang buhay ng bayan: Iboto si Maria! Maging deboto kay Maria! Sabi nga, “Mother knows best!”
Mag-subscribe sa:
I-post ang Mga Komento (Atom)
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento