12.26.2009
NILOOB NG AMA NA MAGING TAO SI JESUS PARA SA ATIN
Mahal mo ba ako?
Isang tanong ng isang manliligaw…ng nililigawan. Tanong ng isang anak…ng mga magulang. Tanong ng isang kaibigan. Tanong ng bawat isa sa atin.
Mahal mo ba ako?
Ano ang iyong tugon?
Mahal mo ba ako?
...tanong ng isang taong may hinahanap...naghahanap ng pagmamahal.
Ang bawat isa ay naghahangad na siya ay mahalin.
At sa paghahangad na ito, kadalasa’y nakakaligtaan natin ang pangangailangan ng ating kapwa.
Sapagkat . . .
Sa ating palagay . . .’di kailangan ng malalakas at makapangyarihan ang ating pang-unawa.
Sa ating palagay . . . ang mga nakaaangat sa buhay ay walang pakiaalam.
Sa ating palagay . . . ang mga namumuhay sa kawalan ay di tumatanaw ng magandang-loob.
Sa ating palagay . . . ang mga mahihina at maralita ay handang ipagpalit ang kanilang pagkatao kapalit ng pagkaing maihahanda sa hapag kainan.
Sa ating palagay . . . di kalilangan ng mga nagkasala sa atin ang ating pagpapatawad.
Hindi natin alam.
Ngunit ang Diyos na may likha ng lahat ang siyang may alam ng lahat.
Siya ang bukod tanging nakakabatid ng ating kalooban.
Ang tanging hangad niya ay ang ipadama na pag-ibig lamang ang magdudulot sa atin ng isang makabuluhang pamumuhay.
Nang dahil sa pag-ibig . . .
“Gayon na lamang ang pag-ibig ng Diyos sa sanlibutan, kaya ibinigay niya ang kanyang Bugtong na Anak upang ang sumampalataya sa kanya ay hindi mapahamak kundi magkaroon ng buhay na walang hanggan”
-Juan 3:16
“Naging tao ang Salita at Siya’y nanirahan sa piling natin”
-Juan 1:14
Ang Pagiging-Tao o “Incarnation” ang tawag natin sa pag-ibig na ito ng Diyos.
Ano ba ang kahulugan ng pagiging-Tao ni Jesus sa buhay mo?
Ganito nga kamahal ng Diyos ang mundo. Bilang tanda ng kanyang pakikiisa, si Jesus ay naging Tao katulad natin. Makikita natin sa larawan ang kanyang pagiging paslit. Katulad natin, siya ay sinilang, lumaki ng may karunungan bilang isang bata, at lumaki pa rin ng may kaalaman bilang isang binata.
Dahil sa pag-ibig ng Diyos Ama, ibinigay N’ya sa atin ang kanyang Bugtong na Anak na si Jesus. Si Jesus ay naging Tao tulad natin.
Paano si Jesus nagpakatao?
Paano siya nagpakatotoo?
•Nagtanong sa mga guro sa tamplo
•Sumunod sa kanyang mga magulang
•Nagtrabaho. Tumulong sa kanyang ama-amahan na si Jose.
•Nakisalamuha sa mga tao. Nakisama at nakipagkaibigan.
•Naawa sa mga taong maysakit
•Nagalit ng makita ang kalagayan ng templo
•Natuwa ng makapiling ang mga bata
•Lumuha ng namatay si Lazaro
•Nalungkot nang mabalitaan ang kamatayan ni Juan Bautista
•Pinawisan nang magdasal sa hardin ng Getsename
•Nilait ng mga kawal
•Nasaktan ng hagupitin ng latigo
•Nagdugo ang kalamnan ng ipataw ang koronang tinik sa kanyang ulunan
•Nauhaw
•Nagdusa sa kapalarang sinapit
•Namatay ng ipako sa Krus
Kailangan Niyang maging tao upang lubusan Niyang makilala at maintindihan ang mga nilalang na kanyang pag-aalayan ng buhay.
Sa kanyang mga karanasan, sinasabi Niya sa atin na: “IT IS ALRIGHT NA MAGING TAO”. “AYOS ‘TOL ANG MAGING TAO”.
Matapos ang ikatlong araw, si Jesus ay muling nabuhay at naghandog ng bagong buhay sa lahat ng mananalig sa kanya. Si Jesus ang Salita ng Diyos at Tagapamagitan natin sa ating Diyos Ama. Si JESUS ay ang DIYOS NA TOTOO at TAO NAMANG TOTOO.
Ang pagmamahal na ginawa ni Jesus ay higit pa sa pagpapahalaga Niya sa kanyang buhay. Ngayon, may tanong si Jesus na sadyang napakahalaga. At katulad ng mga tao sa ating paligid, siya ay nagtatanong:
“MAHAL MO BA AKO?”
Kung gayon . . .
“SUMUNOD KA SA AKIN.”
Sa pagiging tao ni Jesus, ipinakita ni Niya na ang pagsunod sa kalooban ng Ama ay pagpapakita ng kanyang pag-ibig sa Diyos. Kaya, nais din ni Jesus na tayo ay sumunod sa Diyos ay ipakita an gating pag-ibig sa kanya.
Ito ang kanyang utos:
“Mag-ibigan kayo sapagkat mula sa Diyos ang pag-ibig. Ang bawat umiibig ay anak ng Diyos, at kumikilala sa Diyos. Ang Diyos ay pag-ibig . . . ang umiibig sa Diyos ay dapat ding umibig sa kanyang kapatid.”
- 1 Juan 4:7-20
Nilikha tayong mga tao, kaya, ang unang tawag sa atin ay MAGPAKATAO.
Ngayong Araw ng Pasko, ika-25 ng Disyembre, ipinagdiriwang natin ang kaarawan ng pagsilang ni Jesus, ang pagiging-tao ni Jesus, ang Bugtong na Anak ng Diyos.
Nawa’y tunay ngang manahan sa ating puso si Jesus sa Paskong ito at mapuno tayo ng pag-ibig para sa ating kapwa na naghahanap ng pagmamahal mula sa atin.
MALIGAYANG PASKO SA INYONG LAHAT!!!
Mag-subscribe sa:
I-post ang Mga Komento (Atom)
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento