1.16.2010
VIVA! SANTO NIÑO
Masaya sa Pilipinas. Maraming bata.
Ang mga Pilipino ay mahilig sa mga bata. Gawa nang gawa ng mga bata. Natutuwa tayo sa mga bata dahil sila ay simple – sa isip, salita at sa gawa. Sa tuwing nagbibigay ako ng workshop on chalk talk, kadalasang problema na sinasabi ng mga kalahok na matatanda o may edad na ay ang hindi marunong magdrowing na hindi ko naman pinaniniwalaan sapagkat meron silang kakayahan na hindi lamang nagagamit o ayaw gamitin. Sila ay nahihiya lamang sapagkat kapag sinabing drowing, ang laging nasa isip ay may tamang sukat, maganda sa paningin ng iba, kaya naman hindi nila matanggap ang kanilang mga ginuhit. Sa ganitong sitwasyon, isa lamang ang sinasabi ko, tingnan ang mga drowing ng mga bata. Meron kang matutunan sa kanila. Matututo ka kung magiging bukas ka at marunong tumanggap ng mga simpleng bagay. In short, kahit na ikaw ay matanda na, magkaroon ka ng katangian tulad ng isang bata – simple, bukas, mapagpakumbaba at marunong kumilala. Lahat tayo dumaan sa pagkabata. Naranasan ang maging bata.
Masaya sa Pilipinas sapagkat mayabong ang pananampalataya.
Kaya naman, hiindi nakapagtataka kung malapit sa puso ng mga Pinoy ang Santo NiÑo – ang batang Jesus. Makikita natin sa bawat pamilya ang pangangalaga sa Santo Niño. Binibihisan nila ito ng magarang damit na parang tunay nilang anak. Minsan, ang pananamit ay depende sa kanilang katayuan sa buhay. Halimbawa, kung ang may-ari ay isang pulis, bibihisan nila itong ng damit pulis. Kung bumbero, damit bumbero na may hawak na pamatay sunog. May makikitang Santo Niño na basketall player, batang gala, at kung anu-ano pa depende sa pananamit. Kaya madaling silang makaugnay sa Diyos sapagkat nakikita nilang ang Diyos ay katulad nila, nakikiisa, kasa-kasama nila.
Dahil sa pagmamahal sa batang si Jesus, gayon na lamang ang pagdiriwang na iniuukol dito. Sa Cebu, may tinatawag na Sinulog. Ayon sa kasaysayan: Nang si Magallanes ay dumating sa Cebu noong Abril7, 1521, kanyang ipinakilala kay Rajah Humabon ang pananampalatayang Kristiano. Di naglaon, nagpabinyag ang hari gayon din ang kanyang asawa at 800 mga taong nasasakupan. Kaugnay rito ang imahen ng Santo Niño sapagkat ayon kay Pigafetta ( isang Italyanong mananalaysay ), ang reyna ay lubhang naakit sa imaheng ito. Ito ang hiningi ng reyna upang ipalit sa mga imahen ng diyus-diyusan .
Makalipas ang 44 na taon, ang pangkat naman nina Urdaneta at Legaspi ang dumating sa Cebu noong Abril 27, 1565. Kanilang natagpuan ang nayon na nilalamon ng apoy. Ito ay nilisan ng mga naninirahan doon dahil sa takot sa mga dayuhan. Natagpuan ni Juan Camus ang imahen ng Santo Niño, sa isang bahay na nasusunog. Ito ang imahen na inihandog sa reyna sa araw ng kanyang binyag.
Ang makasaysayang imahen ay nakatanghal ngayon sa Basilika ng Santo Niño sa Lungsod ng Cebu. Ito ay naging sentro ng paglaganap ng debosyon sa banal na Poon.
Ang imahen ng Santo Niño, samakatuwid , ay bahagi o kaugnay sa pasimula ng pananampalatayang Kristiano rito sa ating bansa na ating tinanggap 400 taon na ang nakalilipas. [ History c/o Tinig – Don Bosco ]
Hanggang ngayon ang Sto. Niño ay isa sa mga tanyag na larawan ni Hesus para sa mga Pilipino. Ito ay nagsasalarawan ng pagkamusmos at pagkapayak ni Hesus. Ang Kanyang larawan ng pagiging isang bata ay huwaran sa lahat ng mga kabataang Pilipino. [KPK # 467]
Ito ang dahilan kung bakit taun-taon, tuwing Ikatlong Linggo ng Enero ay ipinagdiriwang ng buong Pilipinas ang Kapistahan ng Santo Niño. Kaya naman, kahit saang simbahan, may prusisyon ng Santo Niño. Iba-ibang uri ng pagpaparangal sa Santo Niño. May sayawan habang naglalakad. Merong nagpapaulan ng kendi dahil ang bata raw ay mahilig sa kendi. Meron namang naglalagay ng mga putik na kulay tsokolate sa mga sumasama sa prosisyon dahil ang mga bata raw ay mahilig sa tsokolate. Makikita natin na buhay na buhay ang pagdiriwang ng mananampalataya.
Ngunit ang tanong, tunay nga bang buhay na buhay ang pagdiriwang o pawang panglabas lamang ang nakikita natin? Sapagkat ang tunay na pagdiriwang ay lumalago ang mga tao sa kanilang pananampalataya. Lumalago nga ba o nananatili pa ring bata ang pananampalataya? Ang pinakamahalagang pagdiriwang ay ang pagdalo at ang buhay na pakikiisa sa Pagdiriwang ng Banal na Eukaristiya.
Bakit nga ba ipinagdiriwang natin ang Santo Niño?
Ipinahayag mula sa Aklat ng Salmo, “Si Yahweh ay maghahari, magalak ang kalupaan! Lahat kayong mga pulo ay magsaya at magdiwang! Sa langit ay nahahayag yaong kanyang katuwiran, Sa lupa ay makikita ang kanyang kadakilaan” – Salmo 97:1;6.
Ipinagdiriwang natin ang Kapistahan ng Santo Niño sapagkat ang Diyos ay naging Tao. Ang Diyos ay sumasaatin. Nakiisa sa atin. Nakisalamuha. Nakipamahay. Nakisama. “Sapagkat ipanganganak ang isang sanggol na lalaki. At siya ang mamamahala sa atin. Siya ang Kahanga-hangang Tagapayo, ang Makapangyarihang Diyos, Walang hanggang Ama, ang Prinsipe ng Kapaayapaa – Isaias 9:6”. Ipinahay ni Arkanghel Gabriel kay Maria, “Makinig ka! Ikaw ay maglilihi at manganganak ng isang lalaki, at siya’y tatawagin mong Jesus. Magiging dakila siya, at tatawaging Anak ng Kataas-taasan” – Lucas 1:31-32. “Dumating ang oras ng pangangak ni Maria at isinilang niya ang kanyang panganay at ito’y lalaki. Binalot niya ng lampin ang sanggol at inihiga sa isang sabsaban, sapagkat wala ng lugar para sa kanila sa bahay-panuluyan” – Lukas 2:6-7.
Si Hesus ay ipinanganak sa sabsaban tanda ng kababaang-loob ng Diyos. Lumaki sa isang pangkaraniwang pamilya, nakipamuhay kaisa natin sa lahat ng bagay maliban sa kasalanan.
Ang pagdaan ni Hesus sa pagkabata ay nagtataglay ng mahahalagang aral tungkol sa kadakilaan ng pagiging bata, isang yugto na dinaanan o dinaraanan ng lahat.
Siya ay lumaking isang pangkaraniwang tao, nagutom, nauhaw, nagtrabaho, nagdarasal, umiyak, tinukso at nangaral. Siya ay umunlad sa karungungan at kinalugdan ng Diyos at ng tao dahil nakinig Siya sa Kanyang mga magulang ay naging masunurin, maayos ang pananaw sa sarili at bukas ang loob sa lahat ng bagay. [ KPK 501 , 502, 504 ]
Hindi Niya ipinagmalaki ang kanyang pagka Diyos kundi naging simple Siya sa lahat ng bagay at pagkakataon. [ KIK 531-532 ]
Si Jesus ay hindi nanatiling bata. Siya ay naging binata. Ipinako sa Krus. Namatay. At Muling Nabuhay.
Lumago ba ako sa aking pananampalataya? Ang buhay ko ba ay nakaugnay sa aking pananampalataya o magkahiwalay? Nagsisimba at nagdarasal pero hindi marunong gumalang sa kapwa? Nagnanakaw? Pumapatay? Nagsusugal? Nangangalunya? Tsismoso’t tsismosa? Nagmumura? Mapagpaimbabaw? Mapanghusga?
Ito ang problema sa bansang Pilipinas. Hindi magkaugnay ang buhay at pananampalataya. Ngunit, ito naman ang hamon sa atin, ”bridging the gap between the life and faith.”
Sinabi ni san Pablo sa mga taga-Efeso, ”Biningyan niya tayo ng karunungan” (Efeso 1:8). At ito naman ang kanyang panalangi: ”Inaalaala ko kayo sa aking pananalangin at hinihiling sa Diyos ng ating Panginoong Jesu-Cristo, ang dakilang Ama, na pagkalooban niya kayo ng espritu ng karunungan at ng tunay na pagkakilala sa kanya. Nawa’y liwanagan ng Diyos ang inyong mga isip upang malaman ninyo ang ating inaasahan sa kanyang pagkatawag sa atin. Ito’y ang kaluwalhatiang inilaan niya sa kanyang mga hinirang (Efeso 1:16-18).
Ayon kay San Lucas, si Jesus ay ”umuwing kasama nila sa Nazaret, at naging masunuring anak...Patuloy na lumaki si Jesus. Umunlad ang kanyang karunungan at laong kinalugdan ng Diyos at ng mga tao” – Lucas 2:51-52.
Kahit tayo ay malaki na at may edad na, paalaala ni Santa Teresita ng Batang Jesus na magkaroon tayo ng pananampalatayang may katangian ng isang bata. Sa ating pakikipag-ugnayan sa Diyos na ating Ama, tulad ng isang bata, magkaroon tayo ng lakas ng loob at pagtitiwala na lumapit sa kanya. Matuto tayong umasa sa kanya sapagkat alam n’ya ang lahat na pangangailangan natin basta matuto tayong magpakumbaba sa kanyang harapan. Alalahanin palagi na ang Diyos ang unang tumatawag sa atin upang tayo ay makalapit sa kanya. At ito ay oportunidad upang makapiling natin ang Diyos at magkaroon ng malalim na ugnayan sa kanya. Kaya’t hinihikayat ko ang sinumang makababasa nito na matuto tayong manahimik. Sapagkat sa katahimikan, ang Diyos ay nagsasalita sa atin. Siya ay Diyos ng katahimikan. Ang bata ay marunong makinig sa kanyang Ama sa panalangin.
[Katahimikan]
PANALANGIN SA STO. NIÑO
O Sto. Niño, masdan Mo ako ngayon sa iyong harapan na nagpupuri sa Iyo at humihingi ng iyong pagpapala. Sumasampalataya ako sa Iyong kabutihan, sa Iyong kabanalan, at sa Iyong walang hanggang awa, at ako’y buong pusong nananalig na sa paraan ng tapat na pamimintuho sa Iyo ay kakamtin ko ang mga kahilingan ko.
Ikaw, O Panginoong Jesus, ang nagsabi na sinumang humingi ay bibigyan, sinumang humanap ay makatatagpo, at sinumang kumatok ay bubuksan ng pinto, ngayon ay buong kapakumbabaang dumudulog ako sa Iyo upang humingi , humanap at kumatok sa pinto ng iyong awa. Turuan mo pa ako kung paano maitutuwid ang aking buhay upang maging karapatdapat sa Iyong kabutihan.
Huwag mo nawang talikdan, O Sto. Niño, ang aking pagsamo kundi ito’y Iyong dinggin kung nauukol din lamang sa lalong kaluwalhatian ng Diyos at kagalingan ng aking kaluluwa. Amen.
1.01.2010
BAGONG TAON, BAGONG BUHAY
Sinalubong natin ang Bagong Taon na punong-puno ng buhay. Buhay na buhay ang mga tao. Masiglang masigla tayo. Maingay sa ibat-ibang uri ng paputok at torotot. May kantahan. May sayawan. May palaro. Ipinagdiriwang ang Bagong Taon. Ipinagdiriwang sa pamamagitan ng salu-salo: sa Banal na Misa at sa mahabang mesa.
Bagong Taon. Bagong simula.
Magandang simulan ang bagong taon na may sigla na nagmumula sa ating sarili at para sa ating kapwa. At simulan ang paglalakbay na punong-puno ng buhay at pag-asa.
Bagong simula. Bagong buhay.
Simula ng bagong buhay. Sinilang ang isang sanggol na ang pangalan ay Jesus.
Kailangan ng isang sanggol na kakalinga at mag-aaruga sa kanya upang Siya ay mabuhay.
Kailangan n’ya ng isang ina.
Kailangan ni Jesus si Maria. Si Maria ang Ina ni Jesus. Si Maria ay Ina ng Diyos sapagkat si Jesus ay Diyos.
Unang araw ng Bagong Taon, ika-1 ng Enero, ipinagdiriwang ng buong Simabahan ang Kapistahan ni Maria, Ina ng Diyos. Kaya’t higit pa sana ang ating pagdiriwang kaysa pagsalubong sa bagong taon. Nakakalungkot lamang, sa aking karanasan at obserbasyon, kakaunti ang nagsisimba sa araw na ito. Marahil puyat at tulog. Marahil nalasing sa ingay at kasiyahan. Marahil hindi alam na ngayon ay Kapisatahan ni Maria, ang Ina ng Diyos. Ang Ina nating lahat.
Gayunpaman, sa bagong taon na ito, sa bagong paglalakbay, mainam na ipagkatiwala natin ang ating buhay sa mapagkalinga at mapag-arugang pagmamahal ni Maria. Dadalhin at ilalapit tayo ni Maria kay Jesus.
At sa ating paglapit kay Jesus sa pamamagitan ni Maria, nawa’y sumibol ang bagong buhay. Tulad ng sinasabi ng isang awitin:
“Bagong taon, tayo’y magbagong buhay, nang lumigaya ang ating bayan. Tayo’y magsikap upang makamtan natin ang kasaganahan.”
Makapagbabago lamang tayo ng buhay kung tayo ay lalapit kay Jesus. Makiisa tayo sa gawain ni Maria. Kaya’t kailangan natin pagsumikapan din ang paglapit kay Jesus ng sa gayon makamtan natin ang biyaya na dulot ni Jesus sa pamamagitan ni Maria – ang buhay.
Si Jesus ang Buhay. Si Maria ang Ina ng Buhay.
Tayo ay patuloy na inaanyayahan ni Maria na dumalo sa Banal na Eukaristiya upang tanggapin ang Buhay – si Jesus. Kung tatanggapin natin si Jesus sa Banal na Komunyon, hindi lamang tayo ang liligaya kundi pati ang buong bayan. Kailangan natin si Jesus, lalo na ngayong malapit na ang Eleksyon 2010. Ang buhay ng bayan ang nakasalalay dito.
Nag-iingay ang bayan sa pagsalubong ng Bagong Taon upang itaboy at lumayas ang mga masasamang espiritu. Paano maitataboy at lalayas ang masamang espiritu kung nasasaatin mismo lumulukob ang masamang espiritu?
Kung nais nating maging masagana ang buhay natin, ang buhay ng bayan: Iboto si Maria! Maging deboto kay Maria! Sabi nga, “Mother knows best!”
Mag-subscribe sa:
Mga Post (Atom)