Walang
ginagawa sa kanilang sarili pero kung iyong tititigan ang mga bulaklak na ito,
mas higit pa ang kagandahan nila kaysa ating mga beauty queens.
Marami
ang nagsasabing ang kagandahan ay hindi nakikita sa panglabas na anyo kundi
nasa kalooban. Masasalamin ang kagandahan ng loob sa pamamagitan ng kanyang mga
mabubuting gawa.
Gayunpaman,
marami ang nagpapaganda sa kanilang panglabas na anyo kaysa loob. Ebedensiya
d’yan ang mga naglalabasang produktong pampaganda. Nagsusulputang parang mga kabote na beauty
parlor. Mga billboard at commercial na
nang-aakit. Hindi lamang tinatapyas ang katawan kundi pati tabas ng mga damit
kita na ang langit. Nagpapaglamorosa sa kasuotan.
Ang
tao ay tunay na maganda. ‘yan ang tunay
n’yang kalikasan. Sapagkat siya ay
nilikha ng Diyos. At ang Diyos ay
maganda. At lahat ng kanyang nilikha ay
maganda at mabuti.
Babalikan
ko ang pag-uusap ng Diyos at si Adan. Tinanong
ng Diyos si Adan, “Saan ka naroon?” “Natakot
po ako nang marinig kong kayo’y nasa halamanan; nagtago po ako sapagkat ako’y
hubad,” sagot ng lalaki. Nagtanong muli
ang Diyos, “Sinong maysabi sa iyong hubad ka? [Genesis 3: 8-11].
Nais
ko ring magtanong. Sino ang nagsasabing
pangit ka? Kapag tinawag pong pangit ang
isang tao, hindi ba pinipintasan natin ang nilikha ng Diyos o ang Diyos
mismo? Gusto nating higit pang mas
maganda pa kaysa Diyos kung kaya’t pati mga gawa n’ya ay pinakikialaman natin. Ano ba ang pananaw mo sa kagandahan? Ano ang nag-uudyok sa iyo para higit ka pang
magpaganda? Hindi ka ba kuntento sa
ibinigay sa iyo ng Diyos? Bakit?
Tinukso
ng demonyo si Jesus. Sinabi nito sa
kanya, ‘Kung ikaw ang Anak ng Diyos, magpatihulog ka, sapagkat nasusulat, ‘Sa
kanyang mga anghel, ika’y itatagubilin, at sa kanilang mga kamay, ika’y
aalalayan, nang sa mga bato, paa mo’y hindi masasaktan.’ “ Ngunit sumagot si Jesus, “Nasusulat din
naman, ‘Huwag mong susubukin ang Panginoong mong Diyos.’ “
Ano
ang mapapala ni Jesus kung siya ay magpapatihulog? Magiging sikat siya. Subalit nais ni Jesus ay ang maging
ordinaryong tao. Hindi ba Diyos siya
pero pinili niyang maging tao? Isang karpentero?
Hindi
kaya ang ating sinasabing pagpapaganda ay dahil gusto nating maging sikat
din? Kinikilala? Pinagkakaguluhan? Sinasamba?
Bakit?
Sino
ang may sabing pangit ka?