Pages

9.14.2024

MAGING MALIKHAIN

Batch 15
Basic Faith Formation
Commission on Catechesis and Religious Education
Diocese of Parañaque


Maraming salamat sa pa-surprise na ito (poster).  Ang inyong pag-unawa sa kahalagahan ng ating misyon bilang mga katekista ay tunay na nagbibigay inspirasyon sa bawat isa.  Ang pagtugon sa tawag ng Diyos upang maglingkod sa ating kapwa ay isang mahalagang hakbang patungo sa pagpapalaganap ng pag-ibig ng Diyos.  Sa pamamagitan ng paghuhubog tayo ay dinadala na maging liwanag ng Diyos sa iba.



Isa sa mga kahanga-hangang aspeto ng ating pagkatao ay ang pagiging malikhain.  Tayo ay binigyan ng Diyos na kakayahan na lumikha.  Sa ating pagiging bukas sa mga bagong kaalaman, napapalalim ang ating ugnayan sa Diyos at nagiging daan tayo upang maakay ang ating kapwa patungo sa Diyos.  Ang pagkatuto at paglikha ay nagsisilbing tulay upang mas mapalaganap ang mensahe ng Diyos sa ating panahong ngayon.




Maging inspirasyon tayo sa isa't-isa at ipagpatuloy ang ating misyon.  Sa ating mga kamay at isipan, naroroon ang kapangyarihang magpabago at magbigay-buhay.  Maging malikhain tayo, at ipamalas ang ating talento para sa kabutihan at kapakanan ng lahat. 

9.10.2024

PRESENSYA SA LIKOD NG LENTE: TAGAPAGHAYAG NG MGA ALAALA

 


"Kasama mo ako, ngunit hindi ako nakikita."

Bilang isang photographer, madalas kasama mo ako, ngunit hindi ako nakikita.  Sa mga pagdiriwang at mga kaganapan, kinukunan ko ang ngiti ng aking mga kasamahan, ang saya sa kanilang mga mukha, ngunit ako ay nananatiling hindi nakikita sa mga larawang iyon.  Sa simpleng katotohanan na ako ay hindi kasali sa mga larawan.  Ako ay nagiging simbolo ng presensya na hindi kailanman maihahambing sa pisikal na anyo.  Ang aking tungkulin bilang litratista ay hindi lamang nakasalalay sa teknikal na aspeto ng aking gawain, bagkus sa kakayahang ipahayag ang mga damdaming nahahawakan ng bawat pag-click ng aking camera.

Ang sitwasyon na ito ay may malalim na mensaheng ipinapahiwatig.  Ipinahahayag nito na ang tunay na presensya ay hindi palaging nangangailangan ng katawan.  Ang mga alaala at damdaming nailalarawan sa mga imahe ay nagiging bintana ng koneksyon na bumabalot sa amin.  Sa kabila ng aking kawalan sa mga larawan, andiyan pa rin ang aking presensya.  Mga inipong karanasan ay naisasalaysay ng aking camera.  Ang mga iyon ay tala ng aking kuwento, ng aking paglalakbay bilang isang instrumento ng mga alaala.

Ngunit sa kabila ng mga positibong aspeto ng aking kalagayan, may mga hamon din na dulot ito.  Ang pagiging hindi nakikita ay nagiging sanhi ng pagdududa sa aking halaga.  Kung hindi man ako nakikita sa mga larawang ito, ako ba ay talagang mahalaga sa grupong ito?  Sa likod ng bawat ngiti na aking kinukunan, may mga saloobin at tanong na bumabalot sa akin - paano kaya ang aking presensya ay nag-aambag sa kanila?  Ito ang mga katanungan na nagiging hamon sa akin sa pagpapaunlad ng aking sining, ng aking sarili bilang photographer at bilang isang tao.

Mahalaga ang sariling pagninilay sa pagtugon sa mga hamong ito.  Kailangan kong kilalanin ang aking halaga sa mga kuwentong pinapanday ko.  Ang bawat larawan na aking kinukuha ay mayroon nang kuwento na kailangang ipagmalaki at ipaalam.  Ang kanilang saya, lungkot o anumang damdamin ay nagiging bahagi na ng aking sariling karanasan.  Dito, matutunan kong yakapin ang aking mga emosyon at ang halaga ng aking gawain.  Ang aking mga larawan ay nagiging boses ko.  Kahit na ako ay hindi nakikita, ang aking presenya ay nararamdaman sa mga alaala.

Ang pagiging isang hindi nakikitang photographer ay hindi hadlang kundi pagkakataon upang ipanindigan ang aking papel sa isang mas malaking kuwento.  Nais kong ipahayag na ang tunay na halaga ay hindi nasusukat sa kung paano tayo nakikita ng iba, kundi sa kung paano natin nadarama at naipadama ang ating mga kuwento sa mga taong mahalaga sa atin.  Sa pagiging tago ng aking presensya sa pamamagitan ng sining ng potograpiya, ako ay nagigingi isa sa mga tagapaghayag ng mga alaalang mananatili sa mga puso ng tao.