Kaarawan. Isang araw na karugtong na ng ating buhay. Ito ang araw ng ating kapanganakan. Araw kung saan ay ipinagdiriwang ang buhay . . . buhay na regalo sa atin ng Diyos
.
Sa tuwing sasapit ang ating bertday, iba’t-ibang damdamin ang lumilitaw depende sa kalagayang pangkasalukuyan. Pinapahalagahan natin ang araw na ito sa iba’t-ibang pamamaraan. Isa na rito ay ang nakaugalian na nating magbigay ng regalo. Regalo na babagay sa may kaarawan. Kahit sabihin pangkapos sa buhay, gagawa ng paraan upang mapaligaya lamang ang may kaarawan.
Kaya, habang papalapit ang kaarawan ng ating Mahal na Ina na si Maria, iniisip ko kung anong regalo ang maihahandog ko sa kanya. Subalit, ako ang na sorpresa. Anong ligaya ang aking naramdman sa biyayang hatid ng ating ina. Binigay n’ya sa akin ang isang pangarap na matagal ko ng minimithi. Na sa akala ko matagal pa bago mangyari o baka hindi na mangyari pa. Ngunit, naganap nga, ilang minuto bago ang pagsapit ng kanyang kaarawan. Ipinakita at itinuro sa akin ng ating Ina ang pamangkin ko na matagal ng nawalay sa piling namin, halos 15 years na ang nakaraan. Ngayon, magkakaroon muli kami ng ugnayan ng buhay na kaugnay ng buhay ko. Ang buhay na karugtong na ng aming buhay.
Masaya ako sapagkat, si Mama Mary ang may kaarawan ang siyang nagbigay ng regalo sa akin. Regalo na dulot ay kapayapaan. Muli, ipininakita at ipinadama ng Ina ang kanyang pagmamahal sa kanyang anak. Magtiwala lamang sa kanya at iyong makikita.
Karaniwan ng kaganapan sa araw ng ating kapanganakan ay ang ipinagdiriwang itong may kasamang salu-salo. Isang handaan kung saan inaanyayahan ang ating kapamilya, kamag-anak, kaibigan, kaklase, ka-opismeyt, at lahat ng mga taong malapit sa ating puso – mga kapuso.
Sa kaarawan ni Maria, isang natatanging regalo ang kanyang hinahandog sa atin. Isang handaan. Espesyal na salu-salo. Kung saan lahat tayo ay inaanyayahan. Dinadala tayo ni Maria sa handaang hinihanda ng kanyang Anak na si Jesus – ang Banal na Eukaristiya – ang tipan ng pag-ibig. Si Jesus ang Buhay. Si Jesus ang Liwanag.
Sa ating kaaarawan, marapat lamang na tayo ay nagpapasalamat sa buhay na handog ng Diyos sa atin. Sa kaarawan ni Maria, nagpapasalamat ako sa regalong handog niya. At nagpasalamat ako sa Diyos sapagkat ibinigay niya sa atin si Maria, na napupuno ng grasya, na magiging daan upang isilang ang Diyos sa piling natin – ang Emmanuel.
Sa kaarawang ito ni Maria, nawa’y maisilang din siya sa ating puso upang matularan natin siya sa kanyang kagandahang-loob at pag-aakay ng kapwa patungo kay Jesus. Mama Mary, maligayang kaarawan sa’yo! Happy Birthday, Mama Mary! Mahal kita!
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento