Pages

12.26.2009

NILOOB NG AMA NA MAGING TAO SI JESUS PARA SA ATIN



Mahal mo ba ako?

Isang tanong ng isang manliligaw…ng nililigawan. Tanong ng isang anak…ng mga magulang. Tanong ng isang kaibigan. Tanong ng bawat isa sa atin.

Mahal mo ba ako?
Ano ang iyong tugon?

Mahal mo ba ako?
...tanong ng isang taong may hinahanap...naghahanap ng pagmamahal.

Ang bawat isa ay naghahangad na siya ay mahalin.
At sa paghahangad na ito, kadalasa’y nakakaligtaan natin ang pangangailangan ng ating kapwa.

Sapagkat . . .
Sa ating palagay . . .’di kailangan ng malalakas at makapangyarihan ang ating pang-unawa.
Sa ating palagay . . . ang mga nakaaangat sa buhay ay walang pakiaalam.
Sa ating palagay . . . ang mga namumuhay sa kawalan ay di tumatanaw ng magandang-loob.
Sa ating palagay . . . ang mga mahihina at maralita ay handang ipagpalit ang kanilang pagkatao kapalit ng pagkaing maihahanda sa hapag kainan.
Sa ating palagay . . . di kalilangan ng mga nagkasala sa atin ang ating pagpapatawad.

Hindi natin alam.
Ngunit ang Diyos na may likha ng lahat ang siyang may alam ng lahat.
Siya ang bukod tanging nakakabatid ng ating kalooban.
Ang tanging hangad niya ay ang ipadama na pag-ibig lamang ang magdudulot sa atin ng isang makabuluhang pamumuhay.

Nang dahil sa pag-ibig . . .

“Gayon na lamang ang pag-ibig ng Diyos sa sanlibutan, kaya ibinigay niya ang kanyang Bugtong na Anak upang ang sumampalataya sa kanya ay hindi mapahamak kundi magkaroon ng buhay na walang hanggan”
-Juan 3:16

“Naging tao ang Salita at Siya’y nanirahan sa piling natin”
-Juan 1:14

Ang Pagiging-Tao o “Incarnation” ang tawag natin sa pag-ibig na ito ng Diyos.

Ano ba ang kahulugan ng pagiging-Tao ni Jesus sa buhay mo?

Ganito nga kamahal ng Diyos ang mundo. Bilang tanda ng kanyang pakikiisa, si Jesus ay naging Tao katulad natin. Makikita natin sa larawan ang kanyang pagiging paslit. Katulad natin, siya ay sinilang, lumaki ng may karunungan bilang isang bata, at lumaki pa rin ng may kaalaman bilang isang binata.

Dahil sa pag-ibig ng Diyos Ama, ibinigay N’ya sa atin ang kanyang Bugtong na Anak na si Jesus. Si Jesus ay naging Tao tulad natin.

Paano si Jesus nagpakatao?
Paano siya nagpakatotoo?
•Nagtanong sa mga guro sa tamplo
•Sumunod sa kanyang mga magulang
•Nagtrabaho. Tumulong sa kanyang ama-amahan na si Jose.
•Nakisalamuha sa mga tao. Nakisama at nakipagkaibigan.
•Naawa sa mga taong maysakit
•Nagalit ng makita ang kalagayan ng templo
•Natuwa ng makapiling ang mga bata
•Lumuha ng namatay si Lazaro
•Nalungkot nang mabalitaan ang kamatayan ni Juan Bautista
•Pinawisan nang magdasal sa hardin ng Getsename
•Nilait ng mga kawal
•Nasaktan ng hagupitin ng latigo
•Nagdugo ang kalamnan ng ipataw ang koronang tinik sa kanyang ulunan
•Nauhaw
•Nagdusa sa kapalarang sinapit
•Namatay ng ipako sa Krus

Kailangan Niyang maging tao upang lubusan Niyang makilala at maintindihan ang mga nilalang na kanyang pag-aalayan ng buhay.

Sa kanyang mga karanasan, sinasabi Niya sa atin na: “IT IS ALRIGHT NA MAGING TAO”. “AYOS ‘TOL ANG MAGING TAO”.

Matapos ang ikatlong araw, si Jesus ay muling nabuhay at naghandog ng bagong buhay sa lahat ng mananalig sa kanya. Si Jesus ang Salita ng Diyos at Tagapamagitan natin sa ating Diyos Ama. Si JESUS ay ang DIYOS NA TOTOO at TAO NAMANG TOTOO.

Ang pagmamahal na ginawa ni Jesus ay higit pa sa pagpapahalaga Niya sa kanyang buhay. Ngayon, may tanong si Jesus na sadyang napakahalaga. At katulad ng mga tao sa ating paligid, siya ay nagtatanong:

“MAHAL MO BA AKO?”

Kung gayon . . .

“SUMUNOD KA SA AKIN.”

Sa pagiging tao ni Jesus, ipinakita ni Niya na ang pagsunod sa kalooban ng Ama ay pagpapakita ng kanyang pag-ibig sa Diyos. Kaya, nais din ni Jesus na tayo ay sumunod sa Diyos ay ipakita an gating pag-ibig sa kanya.

Ito ang kanyang utos:

“Mag-ibigan kayo sapagkat mula sa Diyos ang pag-ibig. Ang bawat umiibig ay anak ng Diyos, at kumikilala sa Diyos. Ang Diyos ay pag-ibig . . . ang umiibig sa Diyos ay dapat ding umibig sa kanyang kapatid.”
- 1 Juan 4:7-20

Nilikha tayong mga tao, kaya, ang unang tawag sa atin ay MAGPAKATAO.

Ngayong Araw ng Pasko, ika-25 ng Disyembre, ipinagdiriwang natin ang kaarawan ng pagsilang ni Jesus, ang pagiging-tao ni Jesus, ang Bugtong na Anak ng Diyos.

Nawa’y tunay ngang manahan sa ating puso si Jesus sa Paskong ito at mapuno tayo ng pag-ibig para sa ating kapwa na naghahanap ng pagmamahal mula sa atin.

MALIGAYANG PASKO SA INYONG LAHAT!!!

12.23.2009

ANG PAGHIHINTAY



Naranasan mo na bang maghintay?
Ano ang iyong naramdaman? Bakit?

Mahabang oras na rin akong nakatayo rito. Sa katanuyan, nakaupo ako kanina sa hagdan. Nakahiga pa nga sa sahig. At para malibang, binibilang ko ang mga taong dumaraan sa harap ko…isang libo’t isa…isang libo’t dalawa…

Anong petsa na? Nangangalay na ang mga paa ko. Kinakagat na ako ng mga lamok dito. Pati langaw nakisawsaw na rin. Hanggang ngayon wala ka pa rin.

‘Asan ka na? Darating ka pa ba? Naiinip na ako. Nag-aalalaa na ako baka kung ano na ang nangyari sa’yo sa daan. Nagugutom na ako. Nauuhaw na ako. Nanghihina na ako. Pagod na ako. huh! ang hirap pa lang maghintay.

Nawawalan na ako ng pasensiya. Gusto ko ng sumuko. Gusto ko nang pumasok sa loob ng bahay. Bahala ka na sa buhay mo. Nagpagwapo pa naman ako. Naghanda ng pagkain at mapapanis na sa tagal mo. aahhh….ayoko nang maghintay!!!!!!!

Ok, fine. Ilang sandali pa akong maghihintay sa iyo. Kahit naiinip na ako, umaasa pa rin akong darating ka. Ngunit, ang tanong: kailan? magreply ka naman sa mga text messags ko, plezzzz!!! May concern ka ba sa ‘kin?

Teka, baka lumampas na ang hinihintay ko at hindi ko namalayan na dumaan na pala siya…ohh…noooo…..

Sino nga ba ang hinihintay ko? Hahahahaha…nababaliw pala ako…

Ikaw, sino ang hinihintay mo?

Sa buhay, maraming paghihintay ang ating nararanasan. Ang mga mag-asawa ay naghihintay ng anak. Ang mga mag-aaral naghihintay makagradweyt. Ang mga magsasaka, naghihintay sa pagtubo at pamumunga ng mga pananim. Ang mga maysakit, naghihintay gumaling. Ang mga bulag ay naghihintay na makakita. Ang mga pipi ay naghihintay na makapagsalita ng maatuwid at maayos. Ang mga bingi ay naghihintay na makarinig. Ang mga pilay ay naaghihintay na makalakad. Ang mga manliligaw naghihintay ng matamis na “oo” sa kanyang nililiyag.

Bawat isa, may hinihintay. Iba’t-iba ang hinihintay. May iba’t-ibang paraan ng paghihintay. Ngunit hindi lahat ay nakapaghihintay. Kung kaya may mga hinog sa pilit. May mga instant products. Nawawalan ng pag-asa. Dahil dito, may nagpapatiwakal sapagkat ayaw nang maghintay… ayaw nang maghirap.

Ang paghihintay ay isang biyaya. Ang taong naghihintay ay nakatatanaw ng pag-asa. at ang taong umaasa ay hindi napapagod maghintay na sa kabila ng kadiliman ay may liwanag na masisilayan. Na sa kabila ng paghihirap ay may tagumapay na makakamtan. Na sa haba ng paglalakbay, makakarating din sa paroroonan. Kaakibat ng paghihintay ay sakripisyo.

Ang taong naghihintay ay nagbibigay pag-asa at liwanag sa kapwa. Kung kaya, masaya siyang naghihintay. Lalo na kung ang iyong hinihintay ay ang taong nagmamahal sa’yo. Mahalaga sa’yo. Nagpapahalaga sa’yo.

Ang Diyos din ay naghintay ng mahabang panahon upang magkaroon ng tao sa mundo. Nagbilang Siya ng ilang milyong taon sa paghihintay ngunit siya ay tahimik na naghihintay.

At ngayonG Adbiyento, naghihintay tayo sa pagdating ni Jesus.

At ang tanging panalangin ay: “Halina, Jesus, halina. Manahan ka sa aking puso”

12.02.2009

PAGHAHANDA



Anu-ano ang mga ginagawa natin kapag may darating na bisita?
Siempre, naghahanda.
At anu-ano namang paghahanda ang ginagawa natin?
Karaniwan na ang pag-lilinis ng bahay. Pinapaganda ang loob nito. Nililigpit ang mga kalat. Sinisigurado na maging maayos ang lahat.
Ginagawa natin ito sapagkat espesyal sa atin ang bisita. Nais nating maging kalugod-lugod sa kanya.

Maihahalintulad natin ang bahay sa ating mga sarili. Kailangan ang paglilinis ng loob upang ihanda ang ating sarili sapagkat darating ang nagmamahal sa atin.

Anu-anong paghahanda ang ginagawa mo kapag darating ang iyong manliligaw o nililigawan? ‘Di ba, nag-aayos ka ng sarili? Nand’yan ang naliligo ka. Nagpapaganda. Nagsusuot ng malinis na damit. Umaalingasaw sa pabago. Halos hindi ka mapakali. Pabalikbalik sa salamin para makasiguro na nasaayos ang bawat hibla ng iyong buhok.

Pero, sapat na ba ang paghahanda ng panglabas na kaanyuan. Tulad ng bahay, kailangan ang paglilinis ng loob bilang paghahanda sa isang taong mahalaga sa atin. Ang paghahandang ito ay ginagawa natin sa panahon ng Adbiyento.

Ang Adbiyento ay nangangahulugan ng pagdating ng ating Panginoong Jesuskristo. Tayo ngayon ay nasa Panahon na ng Adbiyento. Bagong taon sa ating “liturgical year”. Ang Adbiyento ay apat na linggong paghahanda – paghahanda sa pagdating ng ating Panginoon.

Ang Simbahan ay nag-aanyaya sa atin tungo sa pagbabago ng ating sarili sa pamamagitan ng pagtanggap ng Sakramento ng Pagbabalik-loob upang maging karapat-dapat at kalugod-lugod tayo sa pagdiriwang ng pagdating ni Jesus – ang kanyang kapanganakan, sa kanyang presensiya sa atin sa ngayon at sa kanyang muling pagbabalik sa huling paghuhukom.

So, ano ang gagawin natin?
Kailangan maging masigasig tayong malaman kung anong suhestiyon ng ating mga Pagbasa sa panahong ito upang ating maging gabay.

Jeremias 33:14-16

Sinabi pa ni Yahweh, “Dumarating na ang araw na tutuparin ko ang aking pangako sa Israel at Juda. At sa panahong iyon, pasisibulin ko ang matuwid na sanga ni David. Paiiralin niya ang katarungan at ang katwiran sa buong lupain. Sa mga araw ring iyon, maliligtas ang mga taga-Juda at mapayapang mamumuhay ang mga taga-Jerusalem. At sila’y tatawagin sa pangalang ito: “Si Yahweh an gating katwiran.”

Ang Pagbasang ito ay nakatuon sa panahon ng kaganapan na ipinangako ng ating Diyos. Ang tekstong ito ay nag-aanyaya sa atin na maging mapagtiwala sa ipinangako sa atin ng Diyos [kapayapaan, katarungan, kaligtasan]. Ang pagtitiwala sa Diyos ay magpapanatili sa ating ugnayansa kanya. Ang Diyos ay Diyos ng mga pangako na tumutupad sa kanyang ipinangako.

Mula naman sa Unang Sulat ni San Pablo Apostol sa mga Taga-Tesalonica, “Palaguin nawa at pag-alabin ng Panginoon ang inyong pag-ibig sa isa’t-isa at sa lahat ng tao, tulad ng pag-ibig namin sa inyo. Kung ito ang mangyayari, palalakasin niya ang inyong loob. Sa gayon, kayo’y mananatiling banal at walang kapintasan sa harap ng ating Diyos at Ama hanggang sa muling pagdating ng ating Panginoong Jesus, kasama ang mga hinirang niya. Mga kapatid, isa pang bagay ang ipinapayo namin sa inyo sa pangalan ng Panginoong Jesus. Sana’y lalo pang paagbutihin ninyo ang pamumuhay ninyo ngayon-pamumuhay ayon sa inyong natutuhan sa amin-upang kayo’y maging kalugod-lugod sa Diyos. Batid naman ninyo ang mga aral na ibinigay namin sa inyo buhat sa Panginoong Jesus” [3:12-13;4:1-2].

Ito ay nakatuon sa pagdating ni Jesus. At iminumungkahi kung paano maghahanda sa pagdating ng Panginoon. Ang susi sa paghahanda ay ang salitang ‘pag-ibig’. Isang pag-ibig na naglilingkod. Umiibig sa lahat. Niyayakap ang lahat. Walang pinipili. Isa pang pamamaraan ng paghahanda ay ang ‘manatiling banal’. Kung ito ay ating pagninilaynilayan, nangangahulugan ito ng pagtalikod sa kasalanan.

Maaaring mukha tayong banal ngunit sa kaibuturan ng ating puso, tayo ay punung-puno ng “butas” [malisyoso, matakaw – tulad ng matakaw sa kapangyarihan, puno ng galit, magnanakaw, at iba pa].

Kung paano pa tayo maghahanda, narito naman ang sinasaad sa Ebanghelyo ayon kay San Lucas 21:25-28; 34-36. “Magkakaroon ng mga tanda sa araw, sa buwan, at sa mga bituin. Sa lupa, ang mga bansa ay masisindak at malilito dahil sa ugong at mga daluyongng dagat. Ang mga tao’y hihimatayin sa takot dahil sa pag-iisip sa mga sakunang darating sa sanlibutan; sapagkat mayayanig at mawawala sa kani-kanilang landas ang mga planeta at iba pang katulad nito na nasa kalawakan. Sa panahong iyon, ang Anak ng Tao’y makikita nilang dumarating na nasa alapaap, may dakilang kapangyarihan at malaking karanagalan. Kapag nagsimula nang mangyari ang mga bagay na ito, magalak kayo sapagkat malapit na ang pagliligtas sa inyo.” “Mag-ingat kayo na huwag magumon sa katakawan at paglalasing at mabuhos ang inyong isip sa mga intindihin sa buhay na ito; baka abutan kayo ng Araw na yaon na hindi handa. Sapagkat darating iyon nang hindi inaasahan ng tao sa buong daigdig. Kaya’t maging handa kayo sa lahat ng oras. Lagi ninyong idalangin na magkakaroon kayo ng lakas upang makaligtas sa lahat ng mangyayaring ito at makaharap sa Anak ng Tao.

Binibigyan diin sa Ebanghelyong ito ang Pagadating ng Anak ng Tao. Bilang paghahanda, tinuturuan tayo kung ano ang ating maging gawi, maging handa at manalangin.

Ang Ebanghelyo ay walang intensiyon na takutin tayo kundi ang palakasin tayo. Nais ipahayag ng Ebanghelista kung gaano kadrama ang pagdating Panginoon.

Sa pagdating ng Anak ng Tao kailangan tayo ay maging handa, ibig sabihin ay pagtalikod sa mga gawaing imoral, mga bisyo, mga takot sapagkat ito ang magpapahina sa puso’t isipan natin.

Sa ating pagdiriwang ng Pasko, kailangan tayo ay nasa diwa ng panalangin at pagpapasalamat upang ating ma-enjoy ang presensiya ng Diyos sa ating puso.

Sa puntong ito, tayong mga Kristiyano ay inaanyayahan na ituon ang ating sarili sa ating buhay pangkaluluwa.

Ang Panahon ng Adbiyento ay naghihikayat sa atin ng suriin ang kaibuturan ng ating loob at isipin kung paano pa higit tayong makipag-ugnayan sa Diyos.

Huwag tayong mabighani sa mga bagay na hindi naman kailangan just to please everybody tulad ng party dito at party doon, sobrang katakawan, bili dito at bili doon.

Kung walang paghahandang pangkaluluwa, ang pagdiriwang ng Pasko ay isa lamang sa mga social events, walang kahulugan, nagsasayang lamang ng pera at oras

Sa panahon ng Adbiyento, nawa’y pagsumikapan nating dumalo sa mga recollections, dumalaw sa Blessed Sacrament, at magkawanggawa.

Maipapakita natin ang pagiging handa sa pagdating ng Panginoon pamamagitan ng pakikilahok sa Banal na Eukaristiya. Sa Banal na Eukaristiya, ipinagdiriwang natin ang pagdating ni Jesus, noon, ngayon at bukas. Sa anyo ng tinapay at alak, isinasagawa ni Jesus ang kanyang pagdating at presensiya sa gitna natin. Sa Banal Na Eukaristiya, nagbibigay tayo ng panahon sa piling ng Pangioon. Ang Banal na Eukaristiya ay sagisag ng walang hanggang pag-ibig ng ating Panginoon. Hindi lamang isang bisita si Jesus kundi siya ay makikipamahay sa atin. Kailangang linisin ang loob, ang ating puso sapagkat doon siya mananahan.

Patutuluyin mo ba si Jesus sa iyong puso?
Kung oo,
Anong paghahanda ang iyong gagawin?