Pages

3.22.2011

MAKALIPAS ANG DALAWANG TAON


Isan buwan na lang, kaarawan ko na naman.  Higit akong masaya dahil ito ay pumatak sa araw ng Linggo - Linggo ng Muling Pakabuhay ni Jesus. 

Wala na sa aking isipan na meron pala akong sinulat sa aking blog sa mulitply.com noong ipinagdiriwang ko ang aking ikaapatnapu't-isang kaarawan.  Sa aking pagbabalik tanaw sa araw na 'yon, muli kong ibahagi ang akin isinulat bilang paalaala na rin sa aking pangarap o mithiin sa buhay.  Gayundin naman, nawa'y makapagbigay ito ng inpirasyon at mabigay buhay sa aking kapwa.  Ito ay aking pinamagatang.....
----------------------------------------------------------------------------------
 ANG AKING MITHIIN

1.  Mahalaga sa akin ang araw na ito: April 24.  Ang araw na ito, ang aking unang pagtawid mula sa kadiliman patungo sa liwanag.  Sa araw na ito, narinig ang aking unang palahaw.  Sa araw na ito, nadama ko ang init ng pagmamahal ng aking mga magulang sa pamamagitan ng kanilang mga haplos at dampi ng kanilang mga labi sa aking pisngi.  Sila’y nagsaya at nagalak.  Marapat lamang, sapagkat, ito ang araw na ginawa ng Panginoon.  Ito ang araw ng aking kapanganakan.

2.  Masaya ang may kaarawan sapagkat nakatatanggap ng pagbati mula sa mga taong nagmamahal sa kanya. Lalo pa siyang nagiging masaya kung nakatatanggap pa ng mga regalo.  At sobrang saya, kung ito’y ipinagdiriwang na may kasamang handaan.    Tulad ninyo, pinakakaabangan ko rin ang aking “birthday” at ipinagdiriwang.  Ngunit, ang tanging aking mithiin sa aking kaarawan ay makapiling ang Panginoon.  At ito ay nagbibigay sa akin ng kaligayahan.

3.  Kaya naman, sinisikap kong gumising sa madaling araw upang makapagsimba sa alas sais ng umaga.  At ang buong araw na ito, ay nakalaan sa araw ng pananahimik.  Kung ang iba ay kasama nilang nagdiriwang ang kanilang mahal sa buhay: asawa, boypren at girlpren, ako naman, ang ka-date ay ang Panginoon.  Masaya kapag kasama mo ang mahal mo, ‘di ba?  Kung inaasam kong makapiling ang Panginoon, nababatid ko, higit pa ang pagnanais ng Diyos na ako ay makapiling.

4.  At nakakatuwa namang isipin, na sa aking paglapit sa Panginoon sa Banal na Eukaristiya, nakapukaw sa aking damdamin ay ang Tugon sa Pagbasa mula sa Salmo 27: “Ang tanging aking mithiin, Panginoo’y makapiling”.  Dala-dala ko ito sa aking pag-uwi at ang aking baon sa pagninilay.

5.  Sa aking pakikipagtagpo sa Diyos, bumalik sa aking isipan ang aking pangarap sa buhay. Ang pangarap na umusbong halos labing siyam na ang nakakalipas.  Ang pangarap na nagbibigay sa akin ng direksyon, sa pang-araw-araw na buhay.  Ang pangarap na nagbibigay pag-asa, na sa kabila ng mga pagdurusa, ang Panginoon ay aking makakasama.  Ito ang aking pangarap – ang maging “banal”.

6.  Marami akong pangarap sa buhay.  Naalaala ko pa noong nag-aaral ako sa kolehiyo, pinasulat ng aking propesor ang aking mga pangarap.  Noong ako ay bata pa, gusto kong maging isang tanyag na pintor, magkaroon ng magarang bahay at kotse, maging mayaman.  Sa panahon ng aking pagbibinata, nais kong maging ballet dancer, ilustrador, mang-aawit, movie scriptwriter and director, nobelista, at magkaroon ng sariling negosyo.  Bilang isang professional, inasam kong maging pari, monghe, interior designer, photographer, musician, stage actor, ballroom dancer, at magaling na manlalaro ng bowling.  At sa aking pagretiro, pangarap kong magkaroon ng sariling retreat house, bahay para sa mga street children at matatanda  at makapaglakbay sa buong mundo. Marami pa akong gustong abutin na hindi ko na isinulat.  Libre naman ang mangarap, di ba?  Mas malungkot kung wala akong pangarap.

7.  Sa dami ng aking mga pangarap, ang tanong ngayon, Ano ang pangarap ng Diyos para sa akin?  Ang mga pangarap ko ba ay pangarap din ng Diyos sa akin?  O, ang pangarap ba ng Diyos ang siyang aking naging pangarap?

8.  Pinangarap ko bang maging katekista?  Ang sagot ko: hindi kailanman.  Pero, bakit ako naging katekista?  At hanggan ngayon, ay katekista pa rin.  At nagnanais na mamamatay bilang isang katekista.  Salamat sa Diyos, ako ay naging katekista.

9.  Sa pagiging katekista ko, nabuo ang aking pananaw sa buhay, ang pangarap na maging banal.  Sa pagiging katekista ko, nabuksan ang aking isipan sa mga biyaya ng Diyos.  Nabuksan ang aking kalooban sa kalooban ng Diyos.  Nakita ko kung gaano ako kamahal ng Diyos.  Naranasan ko ang kagandahang-loob ng Diyos.  Tunay ngang Siya ay kasama ko!

10.  ‘Di lamang ako tinawag kundi pinili ng Diyos na maging katekista.  Ang Diyos na pumili sa akin ay ang Diyos na Banal.  Kung kaya nga ang katekista ay banal (Guide for Catechist) at nagpapakabanal.  Sabi nga sa awiting “Go Forth and Teach” na sinulat ni Bishop Soc Villegas: “Catechists of Christ, how blessed you are.  Catechists, be what you are…..  We are called to be saints in Christ.” 

11.  Ang kabanalan ay ang pakikipagtagpo sa kalooban ni Kristo, ang pagtahak sa landas ni Kristo.

12.  Ang tawag sa kabanalan ay hindi lamang para sa katekista, pari at madre, kundi sa lahat ng binyagan.  At ang lahat ng kristiyano ay katekista.  Anuman ang iyong lahi, kasarian, edad, kulay, kalalagayan sa lipunan, mahirap man o mayaman, anuman ang iyong katangian at kakayahan, lahat tayo ay tinatawag na maging banal.  Hindi lamang ako ang tinatawag na maging banal kundi tayong lahat. 

13.  Kung ako ay pintor, tinatawag ako sa kabanalan.  Kung ako ay may magandang bahay at magarang kotse, tinatawag pa ring maging banal.  Kung ako ay ballet dancer, ilustrador, negosyante, photographer, at marami pang iba, tinatawag pa rin ako sa kabanalan. Kung ikaw ay guro, nars, doktor at konduktor, drayber, dyanitor, magsasaka, engineer, architect, artista, lawyer, barangay captain, mayor, gobernador, kongresista, senador o maging presidente na Pilipinas o alinmang bansa, ikaw ay tinatawag na maging banal.

14.  At bilang katekista, malaking hamon sa akin ang ipahayag ang mensahe ng Diyos.  Ang pangarap ng Diyos sa bawat isa – ang maging banal.  Ito ang aking pangarap.  Ito ang aking pangarap para rin sa aking pamilya, kaibigan, samahan, lipunan at maging sa sangkatauhan.  Kaya nga, bilang katekista, ako ay instrumento ng Diyos upang ang tao ay hindi lamang akayin patungo sa kanya kundi ang makasama at makaniig ang Diyos.

15.  Pero, nagiging totoo ba sa akin ang pangarap na ito?  Naninindigan ba ako dito?  Paano ko ituturo si Kristo kung ako mismo ay hindi nakatagpo si Kristo at hindi tumatahak ng kanyang landas? 

16.  Panginoon, maraming salamat sa buhay mong kaloob.  Muli mong binuhay ang aking pangarap na maging banal.  Pinaalaala mo sa akin ang iyong pangarap para sa akin.  Nababatid mo na mahirap tahakin ang iyong landas at pumasok sa iyong kalooban ngunit nananalig pa rin ako na makita ang iyong kabutihang-loob. Umaasa ako, Panginoon, na bibigyan mo ako ng panibagong lakas upang maging matatag at matupad ang iyong kalooban para sa akin at sa iyong sambayanan.  Papuri sa Iyo, Panginoon!

17.  Totoo na sa bawat kaarawan ay may bagong buhay na dala.  Kung ito’y iyong paniniwalaan, makikita mo.  Kung ikaw ay magtitiwala sa biyaya ng Diyos, makakamit mo.  Kung ang iyong mithiin ay makapiling ang Pangioon, Siya ay iyong makakatagpo.  Halina’t magsaya sa piling ng Panginoon.  Ipagdiwang ang buhay.  Ipagdiwang ang kaarawan!


April 24, 2009
Biyernes
http://angmuntingbata.multiply.com/journal/item/1/ANG_AKING_MITHIIN 
---------------------------------------------------------------------------------------------------------------------
Ang Muling Pagkabuhay ni Jesus ay hindi lamang nagbibigay kahulugan sa aking mithiin kundi nagpapalakas at napapatibay ng aking pananampalataya na balang araw ang aking Panginoon ay aking makakapiling sa tunay na kaarawan - kaarawan sa langit.

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento