Pages

8.04.2011

NORA AUNOR: SA AKING PALAD


Hawak ko ba si Nora Aunor o ako ang nahahawakan niya?
Nasa palad ko ba ang maging tagahanga ni Nora Aunor or nasa kanyang palad na ako ay maging tagahanga niya?

Nitong mga nakaraang lingo, muli na namang pinaikot ni Nora ang kanyang makulay na daigdig. Laman siya ng mga balita sa dyaryo, tebisyon o maging sa radyo. Pinag-uusapan ang kanyang pagbabalik sa Pilipinas mula sa pitong taong pamamalagi sa Amerika.

Sa araw na ito, ika-2 ng Agosto, nakatakda ang pag-uwi ng tinaguriang nag-iisang Superstar ng Pilipinas. Mula sa Los Angeles, California, lulan ng eroplanong may flight number na PR 103, ihahatid siya sa Ninoy Aquino International Airport [NAIA] sa takdang oras na 3:38 ng umaga.

Nagbubunyi ang lahat lalong lalo na ang mga Noranians [tawag sa mga tagahanga ni Nora Aunor] at mga kanyang kaibigan sa loob at sa labas Philippine Entertainment Industry.

Maging ang panahon ay nakikiisa sa kanyang pagbabalik. Tulad ng orkestra, isang musika na may sariling ritmo ang kulog at kidlat at tagiktik ng ulan. Sa iba, ito ay tanda ng isang biyaya. Tama, isang biyaya ang pagdating ni Nora Aunor at isang biyaya sa kanya ang muling makapiling ang kanyang mga anak, kapatid, kaibigan at mga tagahanga.


Kasama ang aking mga kaibigan, tulad ng gabi, mahimbing ang paligid na dumating kami sa NAIA na sa ilang oras lamang ay magigising, magsasaya at magugulo ng isang Nora Aunor. Hindi nga ako nagkamali, ang NAIA ay naging Nora Aunor International Airport.


Inabutan namin sa NAIA ang mga ilang tagahanga ni Ate Guy [Nora Aunor] sa ilalim ng grupong Grand Alliance of Nora Aunor Philippines [GANAP]. Mababanaag sa kanilang mukha at maagang pagdating sa arrival area ng NAIA ang kanilang pananabik na masilayan muli ang kanilang hinahangaan. Dala-dala ang banner ng kanilang pagkakakalinlan at mga larawan ni Nora Aunor, pinagpipistahan sila nga mga cameraman at reporter mula sa estasyon ng telebisyon: Kapamilya [Chennel 2], Kapuso [Channel 7] at KAPATID [TV5].


Ilang sandali pa, dumating naman ang isang hukbo ng mga tagahanga ni Nora, ang Federation of Nora Aunor Followers, Inc.. Kung ang GANAP ay nakasuot na kulay bughaw, kulay luntian naman ang kasuotan ng mga taga-Federation. Kung paano pinagpistahan ang mga GANAP, gayundin ang Federation.


Sa mga naghihintay sa pagsalubong kay Ate Guy, may ilang grupo pa ng mga tagahanga at kaibigan na naroon. Ito ang International Circle of Online Noranians [ICON] at Nora’s Fans and Friends [NFF].

Naroon din si Kuya Germs [German Moreno] at ilang tao mula sa TV5 upang salubungin ang ating Superstar.

Isang oras bago ang pagdating ni Nora Aunor, nakapuwesto na sa kanilang lugar ang mga cameraman at reporter. Nakatutok ang mga kamera sa lalabasang pinto ni Nora. Nakahelera na rin ang mga Noranians sa kanilang lugar. Ang taong susundo sa kanilang mga kamag-anak mula sa ibang bansa, nakiisa na rin. Nakatutok ang mata sa tatlong TV screen sa kanilang harapan kung saan makikita ang paglabas ni Ate Guy. Di pa man dumarating, pangalang NORA ang sigaw na iyong maririnig sa paligid. Kahit ang ibang mga kapatid nating balikbayan ay kumukuha ng bidyo at piktyur sa mga eksenang nangyayari sa paligid.

Tahimik lamang ako nag-aabang sa isang sulok. Napapangiti at natatawa sa mga eksenang aking nakikita at naririnig. Ngunit, naroon ang excitement na hindi lamang makita in person si Nora kundi, tulad ng isang kapatid, sabik na makasama ang kapatid.

Ilang saglit lamang, niyanig ang lugar ng malakas na hiyawan, tanda ng parating na si Ate Guy. Nakita na namin siya sa TV screen kasama si Kuya Germs. Nagkagulo na ang mga cameramen. Pinaligiran agad siya ng mga ito sa kanyang paglabas ng pintuan. At dahil din sa kaliitan ni Nora, hindi na namin siya makita. Halos tumigil ang business sa NAIA. Lahat nakatutok kay Nora. Lahat gustong lumapit sa kanya.


Habang papalapit sa aming lugar, hindi ko alam ang aking gagawin kundi ang kuhanan siya ng larawan. Nang malapit na siya sa kinatatayuan namin at nang makakita ng butas na pwedeng lusutan, bigla siyang tumakbo at niyakap ang kanyang mga fans at kaibigan. Dito na nagsimula ang mga madamdaming tagpo. “Nora! Nora! Nora! Ate Guy! Ate Guy! Ate Guy!. . .” mga katagang maririnig mo habang niyayapos ni Nora ang mga tagahanga gayundin ng mga tagahanga si Nora.


Nakatutok ang mga kamera na para bang gustong kunan ang bawat detalye. Nakaalalay din kay Nora ang mga taong nasa likod niya. Tumulo ang luha ni Nora. Iyakan ang ibang tagahanga. Maaring dahilan sa pananabik sa isa’t-isa. Dahil mararamdaman mo ang pagmamahal ng Superstar sa kanyang mga taga-hanga. Dinala ang mga tagpong ito sa pagpasok ni Nora sa van na naghihintay sa kanya sa labas ng NAIA. Ngunit hindi dito nagtatapos ang lahat. Nagsisimula pala lamang dito ang isa nanamang yugto sa makulay na daigdig ni Nora at kanyang mga tagahanga at kaibigan.

Hindi lamang isang aksidente ang ako ay maging tagahanga sa nag-iisang Nora Aunor. Hindi rin isang aksidente ang ako ay maging bahagi ng buhay ni Nora, bagkus, ito ay plano ng Diyos, na siyang nagbigay ng talino at talento kay Nora. Ang unang nagpakita ng paghanga at pagmamahal kay Nora. Ang patuloy na nagibigay ng lakas ng loob upang sa pamamagitang ng talento ni Nora ay mapapurihan natin ang Diyos. Ika-2 ng Agosto, ito ang araw ng ginawa ng Panginoon upang tyo ay magsaya at magalak.

Si Nora Aunor man ang nagpapa-inog ng aking mundo, o ako man ang may hawak kay Nora, isang katotohanan ang babalik-balikan, na tayong lahat ay nasa palad ng Diyos. Siya ang nagpapagalaw kay Nora. Siya ang nagpapagalaw sa akin at sa iyo. Kaya. anuman ang kalooban ng Diyos, mangyari nawa ito sa atin.

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento