Pages

11.02.2009

ANG KALULUWA NG GININTUANG TINIG NI NORA AUNOR



Ginto. Isang batong nakatago sa pagitan ng lupa at tubig. Pilit na hinuhukay sapagkat ito ay kayamanang nakabaon. Na kapag iyong pinakiaalaman, guguho ang mundo. Pinagkakaguluhan. Pumukaw sa damdamin ng mga may makasariling damdamin upang maging dahilan ng alitan. Buhay at salapi ang kapalit. Pinahahalagahan. Ilan lamang pinagkalooban ng ginto. Hindi lahat.

Ngunit, may isang taong tinuring na ginto. Siya ay may ginintuang puso at may angking ginintuang tinig. Siya si Ms. Nora Aunor. Ang kanyang tinig ay lumitaw at kumislap sa Tawag ng Tanghalan. Gintong bumighani sa madla. Tuluyang gumuho ang mundo ng showbiz. Pinagkaguluhan. Pinagkakitaan. Pinahalagahan.

Makalipas ang halos apat na dekada, patuloy pa ring kumikinang sa puso ng mga taong nagpapahalaga sa angking talento ni Nora, ngunit nakatago pa rin sa mga taong nabingi sa tinig niya.

Minsan ko nang narinig ang ginintuang tinig ni Nora sa panahon ng aking kabataan. At sa aking pagbibinata, naroroon ang pagkauhaw at paghahangad na muling mapakinggan ang boses ni Aunor. Isa sa ‘king mga inasam-asam ay ang matagpuan ang tinig ni Ate Guy. Sa aking paghahanap , dumating ang takdang sandali upang makita ang kayamanang kaylanman ay ‘di maglalaho. Natagpuan ko nga ang ginto na nagtatago sa mga estante ng “music bar” sa mga “malls”.

Sa tulong ng mdernong teknlohiya, napapakinggan ko ang ginintuang tinig ni Nora – 24/7.

Sa bawat sandal ng aking pakikinig, sumusuot sa bawat hibla ng aking ugat, humahalo sa aking dugo at tumatagos sa aking kaluluwa ang tinig ni Nora sa kanyang mga awiting punong-puno ng puso at kaluluwa, puspos ng pagmamahal at buhay na buhay.

Unti-unti akong natutunaw ng isang liwanag na tumatagos mula sa langit at sa pagbukas ng ulap, bumababa ang isang anghel na maghahatid sa isang pakikitagpo. Isang tinig na nagdadala sa aking katahimikan upang masambit ang mga katagang “Salamat Panginoon, sa isang Nora Aunor. Salamat sa ginintuang tinig ni Nora na iyong regalo para sa amin – na magpapakilala ng iyong kadakilaan at kapurihan.

Totoo na ang Diyos ay nagsasalita sa iba’t-ibang paraan. At siya ay naroroon sa tinig ni Nora. Nakatago. Kung hindi hahanapin ay di matatagpuan. Nasa tinig ni Nora ang diwa ng iyong mensahe. Nasa tinig ni Nora ang ginto . . . ang kayamanan . . . ang Diyos.

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento