Mahalaga ba ang paaralan?
Oo…mahalaga ang edukasyon at paaralan.
Ngunit, kung ihahambing sa tao, alin ang mas mahalaga?
Mas mahalaga ang tao sapagkat siya ang ‘subject’ ng pagtuturo.
Ang tao ay mahalaga sapagkat siya ay nilikhang kawangis at kalarawan ng Diyos: “Ngayon, lalangin natin ang tao. Ating gagawin siyang kalarawan natin.” [Genesis 1:26-27]. Ang paaralan ay hindi.
Mahalaga ang edukasyon. Kailangan ang edukasyon. Sapagkat, pinaglilikuran nito ang tao. Hinuhubog ang tao para sa kanyang paglago at pag-unlad. Ito ang ginagamit ng Diyos upang tulungang hubugin ang tao.
Alin sa mga bata o matatanda ang hinuhubog?
Ang ‘intellect’ ng tao. Pangkaisipan. Ang ulo. Dito halos naka-focus ang mga paaralan. Tama ito. Ngunit, hindi lamang ang pangkaisipan ng tao. Ang tao ay meron ding katawan, may kaluluwa, may pag-uugali, may pananamplataya, siya ay kabilang sa isang komunidad. Hinuhubog ang kabuuan ng isang tao, ang pagkatao. Kailangan ang tinatawag na ‘integral evangelization.’
Ang paaralan ay isang ‘venue’ ng isang enkwentro ng tao kay Jesus. Hayaang maka-enkwento ng mga mag-aaral si Jesus. Ito ang pinakapuso at kaluluwa ng isang paaralan – ang ilapit at makaniig ng mga mag-aaral si Kristo.
Halos ganito ang mga katagang aking tinanggap mula sa ating Butihing Arsobispo Guadencio Kardinal Rosales sa harap ng mga pinuno ng paaralan, mga guro, mga mag-aaral at mga Katekista sa katatapos na Holy Spirit Mass na ginanap sa Manila Cathedral noong ika-22 ng Hunyo, 2010. Sinabi ni Jesus, ‘hayaan ninyong lumapit sa akin ang mga bata. Huwag ninyo silang pagbawalan, sapagkat sa mga katulad nila naghahari ang Diyos.’ [Lucas 18:16]
Sa Ebanghelyo ngayong araw, Mateo 9:32-38, sinabi ni Jesus sa kanyang mga alagad, “Sagana ang anihin, ngunit kakaunti ang mag-aani. Idalangin ninyo sa may-ari ng anihin na magpadala siya ng mga manggagawa sa kanyang aanihin.’ [37-38]
Kailangan natin ng mga Katekista na magdadala kay Kristo sa mga tao. Marami ang tinatawag ngunit iilan lamang ang pinili.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento