Pages

7.04.2010

LINGKOD: ISINUGO NI KRISTO




Ika-14 na Linggo sa Kariniwang Panahon

Lucas 10:1-12, 17-20

Sinugo ni Jesus ang Pitumpu’t Dalawa


Maliban sa Labing-dalawang Apostoles, humirang pa si Jesus ng pitumpu’t dalawa. Sila ay mga Lingkod. Ang lingkod ay isinugo ni Kristo: “Humayo kayo! Sinusugo ko kayong parang mga kordero sa gitna ng mga asong-gubat.” [3]. Ang mga lingkod ay parang kordero at hindi ang kordero. Sila ay mga kinatawan ni Kristo sa lugar kung saan sila itinalaga. Hindi ang sarili ang kanilang dala-dala kundi si Jesus – ang Kordero.

Sinabi pa ni Jesus: “Huwag kayong magdala ng lukbutan, supot, o panyapak. Huwag na kayong titigil sa daan upang makipagbatiaan kaninuman.” [4]. Huwag na tayong mag-alinlangan pa sa tungkuling inaatas sa atin. Tuloy lang ang lakad. Deretso lang. Huwag mangamba sapagkat kasama mo si Jesus saan ka man pumunta. Kalimutan mo na ang iyong sarili, ang mga alalahanin na siyang magpapabigat upang hindi ka makasunod kay Kristo ng lubos.

Ang Diyos ay Tagapaglikha ng Kaayusan [Genesis 1:1-31; 2:1-4]. Mula sa magulong mundo tungo sa kaayusan. Ang mga lingkod ay tagapaglikha rin ng kaayusan. Sinabi ni Jesus: “Pagpasok ninyo sa alinmang bahay, sabihin muna ninyo, ‘Maghari nawa ang kapayapaan sa bahay na ito!” [5]. Ang umiibig sa kapayapaan ay umiibig sa kaayusan. May kaayusan kung may kapayapaan.

May mga taong hindi maibigin sa kapayapaan. Kung hindi ka tatanggapin, don’t worry, hindi ikaw ang kanilang inaayawan, kundi ang nagsugo sa iyo - si Jesus. “Kung maibigin sa kapayapaan ang nakatira roon, sasakanila ang kapayapaan; ngunit kung hindi, hindi sila magkakamit nito.” [6].

Kung nakaranas nang di pagtanggap, huwag nang sumama ang iyong loob. Huwag nang magreklamo. Ipagpag mo lang ‘yan. Ngunit, kung ikaw naman ay tinanggap higit pa sa iyong inaasahan, huwag naman lumaki ang iyong ulo. Huwag maging mayabang. Huwag magmamarunong. Alalahanin mo, ikaw ang kumakatawan kay Kristo. Kung ano ang ugali ni Kristo, ganundin ang iyong magiging pag-uugali.

Saan ka ba isinusugo?

Kung ikaw ay isang ama, maging kristiyanong kang ama sa iyong pamilya.

Kung ikaw ay isang ina, maging kristiyanong kang ina sa iyong pamilya.

Kung ikaw ay isang abogado, maging isang kristiyanong abogado ka sa iyong kinabibilangan.

Kung ikaw ay isang doctor, maging kristiyanong doctor.

Kung ikaw ay isang pinuno, senador, kongresista, gobernador, mayor, kapitan ng barangay, maging kristiyano kang pinuno sa iyong komunidad.

Kung isa kang guro, maging kristiyanong guro sa paaralan.

Kung isa kang anak, estudyante, maging isang kristiyanong anak at estudyante.

Ang bayan natin ngayon ay nangangailangan ng isang kristiyanong lingkod.

Kaya, kung meron ka mang katiwaliaan sa iyong sarili, talikuran mo na. Ipagpag mo na. Umpisahan mo sa iyong sarili. At sabihin sa bayan: “Nalalapit na ang paghahari ng Diyos sa inyo!” [9].

Tunay na mararanasan natin ang paghahari ng Diyos [fullness of life] kung tayo ay magiging tunay na kristiyanong lingkod sa lugar kung saan tayo itinalaga.

Kung hindi ka magiging kristiyanong lingkod, pinapaalaala ni Jesus; “sa Araw ng Paghuhukom ay higit na mabigat ang kaparusahan ng mga tao sa bayang yaon kaysa dinanas ng mga taga-Sodoma!” [12].

Ang pagiging kristiyano ay masayang tunay. “Bumalik na tuwang-tuwa ang pitumpu’t dalawa. ‘Panginoon’, sabi nila, ‘kahit po ang ga demonyo ay sumusunod kapag inutusan namin, sa ngalan ninyo.’ Sumagot si Jesus, “Nakita ko ang pagkahulog ni Satanas mula sa langit – parang kidlat. Binigyan ko kayo ng kapangyarihan tumapak sa mga ahas at mga alakdan, at yumurak sa kapangyarihan ng kaaway. Walang makakapinsala sa inyo. Gayunman, magalak kayo, hindi dahil sa suko sa inyo ang masasamang espiritu, kundi dahil sa nakatala sa langit ang pangalan ninyo.” [17-20]. ‘Yun! Nakatala sa langit ang pangalan ninyo. Ito ang higit ninyong ikatuwa.

Sa panalangin, kausapin mo ang Panginoon, “Panginoon, nakatala pa ba sa langit ang aking pangalan? Baka burado na dahil sa mga kagagawan ko na hindi mabuti. Hindi tapat na lingod. Panginoon, nawa’y huwag mabura ang aking pangalan. Nakikita mo naman akong nagsisikap na maging isang kristiyanong lingkod.


Walang komento:

Mag-post ng isang Komento