Pages

5.11.2011

REUNION


Likas sa atin ang magsaya at magdiwang.  Kung kaya sa ating pamilya o sa anumang samahan ay may mga okasyon na ipinagdiriwang.  At sa bawat pagdiriwang na ito hindi nawawala ang handaan o salu-salo.  Anumang paraan nila ito ipinagdiwang nand’yan pa rin ang kainan at inuman sapagkat sa ganitong kaugalian higit na nagkakakilala sa isa’t-isa, lalong lumalalim ang ugnayan ng bawat kasapi nito, nagiging matatag at matibay ang pagsasamahan.

Isa sa mga pagdiriwang na ito ay ang reunion - ang muling magsasama-sama ng mag-kakamag-anak, magkakaibigan, magkamag-aral at magkakilala.  Anuman ang layunin, sapat na ang pagkikita-kita upang tayo ay magsaya at magdiwang.

Maraming dahilan ang muling pagtatagpo.  Marahil ang pagkagutom at pagkauhaw sa  isa’t-isa ang isa sa mga dahilan.  Merong ugnayang namuo noon na naputol kung kaya ngayon ay nais na muling dugtungan ang kahapon upang higit pang maipadama ang pagmamahal.  Kaya, maliban sa handang pagkain at inumin, handa na rin ang bawat isa sa mga baon na kuwento.  Usapang walang katapusan, pagsasariwa ng nakaraan at pagpaplano para sa kinabukasan.

Isa ako sa mga naniniwala at tumataguyod sa kagandahan ng reunion sapagkat likas sa atin ang pakikipag-ugnayan, pakikipagkaibigan at pakikipagkapwa.

Dahil dito, noong ika-18 ng Disyembre, 2010, sinikap naming buuin muli ang Pamilya GM [mula sa salitang Ingles na “God and Man”.]  Kami ang mga mag-aaral na handang pahubog upang maging Katekista at balang araw ay magtuturo at magdadala kay Kristo sa mga bata at kabataan sa pampublikong paaralan upang sila ay magkaroon hindi lamang ng pakikipagtagpo kundi pakikipagniig kay Kristo. 


Kami ang mga hinubog noon sa Archdiocesan Catechetical Formation Center na ngayon ay naging Institute of Catechetics of the Archdiocese of Manila na matatagpuan sa San Carlos Seminary Complex, Guadalupe, Makati.  Tinawag kaming “GM” dahilan sa ang Modyul ng ginamit sa aming paghuhubog ay may pamagat sa Ingles na “God and Man in the Covenant of Love” (Ang Diyos at ang Tao sa Tipan ng Pag-ibig.) Umabot sa labing-limang taon ang programang ito.


Ako ay kabilang sa batch na kung tawagin ay GM 4 [Batch 4].  Ang grupo na ito ay binuo ng dalawang grupo – ang GM 4-A na tinaguriang St. John Mary Vianney group sapagkat nagsimula ang grupong ito sa paghuhubog sa buwan ng Agosto kung kailan ang kapistan ng Santo ay Agosto 4 at GM 4-B na tinawag naming St. Therese of the Child Jesus sapagkat nagsimula ang aming paghuhubog noong ika-1 ng Oktubre, 1991, kapistahan ng nasabing Santa.



Ginanap ang aming reunion sa Notre Dame de Vie Retreat House na pag-aari ng Notre Dame de Vie Isntitute kung saan ang diwa ng GM ay nagmula.

Noong ika-26 ng Pebrero, 2011, muling nagsama-sama ang aking batch sa kolehiyo – ang batch 85-89.  Kami ang mga mag-aaral ng Makati Polytechnic Community College na naging Makati College at ngayon ay ang University of Makati o UMAK.


 
Sa Aberdeen Court, Makati, naman isinagawa ang reunion ng aming batch.

Makalipas ang dalawang buwan, kapiling ko naman ang aking mga ka-batch noong high school  - ang Zamora Memorial College [Zamora Memorial Institute noon] or ZMC Batch ’84.  Naganap an gaming pagsasama-sama noong ika- 24 ng Abril, 2011 – araw ng aking kapanganakan at Easter Sunday.



Kasama naming nagdiwang ay ang mga batches mula 1948 hanggang 2011 kaya tinawag itong ZMC Grand Alumni Reunion.  Ipinagdiwang namin ito sa aming paaralan at nagsalu-salo sa hapag kainan sa bahay ng isa naming klasmeyt.

At ang latest, noong May 8, 2011.  Ang kasama ko naman dito ay ang aking mga estudyante noong nagtuturo pa ako sa Jose Rizal Elementary School, Park Avenue, Pasay City kung saan nakatalaga ako bilang katekista ng Parokya ng San Rafael.


Ang mga kabataan ito ay tinuruan ko noong sila ay nasa ikatlong at ika-apat na baytang. Pagkalipas ng higit kumulang labing-anim na taon, muli kaming nagsama-sama sa tahanan ni Jean.

Sa apat na reunion na aking nadaluhan, merong itong pagkakapareoho.  Maliban sa handaan at kuwentuhan, hindi lahat ng miyenbro ng isang pamilya ay nakadalo.  Gayunpaman, mararamdaman mo rin ang kanilang presensiya sapagkat wala man ang kanilang katawan doon, naroroon naman ang kanilang diwa na nakikiisa sa pagdiriwang.  Naroon ang kanilang suporta, pagbati at panalangin.  May mga dahilan kung bakit hindi nakadalo ang ibang kasapi ngunit hindi naging hadlang ito upang kami ay magsaya at magdiwang.

Matagal nang panahon na nagkahiwalay ngunit ngayon ay nagkakaisa.  Nagkarooon ng kanya-kanyang landas, ngunit ngayon ay nagkatagpo-tagpo sa isang daan.  Wow! Kay ganda ng Buhay!

Malaki ang naitulong ng makabagong teknolohiya lalo na ang Internet.  Dahil sa social networking tulad ng Facebook at iba pa, pinagkaisa tayo. Nagkaburunyog kita.

Higit sa lahat, ito ang araw na ginawa ng Panginoon upang tayo ay magsaya.

Bago tayo nagsama-samang muli, nagkatapong muli, nagkita-kitang muli, naka-k’wentuhang muli, nakasalo muli . . . matagal na tayong nagkahiwalay.

Kumusta na ang ating paglalakbay?


Itutuloy . . . . .

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento