Pages

5.13.2011

REUNION

Karugtong . . . . .

Lukas 24:13-35


Nang Linggo ding iyon, ang dalawa sa mga alagad ay patungo sa isang nayong tinatawag na Emaus, may labing-isang kilometro ang layo sa Jerusalem.  Pinag-uusapan nila ang mga pangyayari.

Samantalang nag-uusap sila at nagtatanungan, lumapit si Jesus at nakisabay sa kanila.  Siya’y nakita nila, ngunit hindi nakilala agad,  Tinanong sila ni Jesus, “Ano ba ang pinag-uusapan ninyo?”  At tumigil silang nalulumbay.  Sinabi ng isa na ang ngala’y Cleopas, “Kayo lamang po yata ang dayuhan sa Jerusalem na hindi nakalam sa mga bagay na katatapos pa lamng nangyari roon.”

“Anong mga bagay?”, tanong niya.  At sumagot sila, “Tungkol kay Jesus na taga-Nasaret, isang propetang makapangyarihan sa gawa at salit, maging sa harapan ng Diyos at ng mga tao.  Isinakdal siya n gaming mga punong saserdote at mga pinuno upang mahatulang mamatay, at siya ay ipinako sa krus.  Siya pa naman ang inaasahan naming magpalaya sa Israel.  Hindi lamng iyan.  Ikatlong araw na ngayon mula nang mangyari ito, nabigla kami sa ibinalita ng ilan sa mga babaing kasamahan naming.  Maagang-maaga raw silang nagpunta sa libingan, at di nila natagpuan ang kanyang bangkay.  Nagbalik sila at ang sabi’y nakakita raw sila ng isang pangitain – mga anghel na nagsabing buhay si Jesus.  Pumunta rin sa libingan ang ilan sa mga kasama naming at gayon ang natagpuan nila, ngunit hindi nila nakita si Jesus.”

Sinabi sa kanila ni Jesus, “Kay hahangal ninyo!  Ano’t hindi ninyo mapaniwalaan ang lahat ng sinabi ng mga propeta?  Hindi ba’t ang Mesiyas ay kailangang magbata ng lahat ng ito bago niya kamtan ang kanyang marangal na katayuan?”  At ioinaliwanag sa kanila ni Jesus ang lahat ng nasasaad sa kasulatan tungkol sa kanyang sarili, simula sa mga aklat ni Moises hanggang sa sinulat ng mga propeta.

Malapit na sila sa kanilang patutunguhan, at si Jesus ay waring magpapatuloy pa ng lakad.  Ngunit siya’y pinakapigil-pigil nila, “tumuloy na po kayo rito sa amin,” anila, “sapagkat palubog na ang araw at dumidilim na.”  Kaya’t sumama nga siya sa kanila.  Nang siya’y kasalo na nila sa hapag, dumampot siya ng tinapay at nagpasalamat sa Diyos, saka pinaghati-hati at ibinigay sa kanila.  Nabuksan ang kanilang paningin at nakilala nila si Jesus, subalit ito’y biglang nawala.  At nawika nila, “Kaya pala gayon ang pakiramdam natin habang tayo’y kinakausap sa daan at ipinapaliwanag sa atin ang mga Kasulatan!”  Noon di’y tumindig sila at nagbalik sa Jerusalem.  Naratnan nilang nagkatipon ang Labing-isa at ang ibang mga kasama nila na nag-uusap-usap.  “Muli ngang nabuhay ang Panginoon!  Napakita kay Simon!”  At isinalaysay naman ng dalawa ang nangyari sa daan, at kung paano nila siya nakilala nang pinaghati-hati niya ang tinapay.

Ano ang Emmaus ng iyong buhay?
Saan ka patungo?
Sa iyo bang paglalakbay, nakakasabay mo ba si Jesus sa daan?
Kasama mo ba siya sa iyong paglalakbay?

Sa ikatlong araw matapos nang ipako si Jesus sa Krus, muling nakasama at nakapiling ng dalawang alagad si Jesus ngunit hindi nila nakilala siya.  Gayunpaman, naroon ang mahabang pasensiya ni Jesus upang akayin ang dalawang alagad upang siya makilala ayon sa sinasaad ng Banal na Kasulatan tungkol sa kanya at maniwala sa pagiging totoo ng Muling Pagkabuhay.

Hanggang naging bukas ang puso ng dalawang alagad upang papasukin, patuluyin at tanggapin si Jesus sa kanilang buhay.  Sa personal na pakikipagtagpo kay Jesus higit nilang nakilala siya at nagbigay sa kanila na italaga ang sarili upang ipamansag ang katotohanang si Jesus ay Muling Nabuhay.

Hindi lamang tatlong araw kundi mahabang panahon na hindi natin nakakasama ang ating mga kamag-anak, kaibigan at naging kamag-aral na nasa malayong lugar ngayon.  Kaya halos hindi na natin sila nakilala dahil sa maraming mga pagbabago ang naganap sa mga sarili.  Kahit ang pangalan, halos nakalimutan na.  Ngunit, bumabalik ang ating mga gunita dahil merong mga salita at gawa na nagpapa-ala-ala sa mga naging kaganapan at karanasan noong magkakasama pa.

Hindi lamang tayo ang tumatawag na magkaroon ng reunion at ipagdiwang ang pagsasama-sama kundi maging si Jesus din ay nag-aanyaya na magkaroon tayo ng reunion sa kanya, lalo na kung matagal na siyang nawalay sa ating buhay.

Anumang pamilya o samahan ang ating kinabibilangan, tayong lahat ay kasapi sa iisang pamilya – ang Pamilya ng Diyos o ang Simbahan.  Sa loob ng pamilya nating ito, may tinatawag tayong Liturhhiya.  Ito ay tumutukoy sa pagdiriwang ng Pamilya ng Diyos o Simbahan bilang pagsamba sa Banal na Santatlo.  Sa loob ng Liturhiya ginaganap ang mga Sakramento ng Simbahan.  Ang mga Sakramento ay mga gawa at salita ni Kristo at ang mga ito ay nagbibigay ng kanyang biyaya sa tumatanggap nito na may pananampalataya.  Ang mga Sakramentong ito ay ang Sakramento ng Binyag, Sakramento ng Kumpil, Sakramento ng Banal na Eukaristiya, Sakramento ng Pagbabalik-loob, Sakramento ng Kasal, Sakramento ng Banal na Orden o Pagpapari at Sakramento ng Pagpapahid ng Langis sa Maysakit.  Ang mga ito ay nagbubuklod sa atin sa pagsamba sa Diyos at ang mga paraan upang makamit ang biyaya ng Diyos na nagpapabanal sa atin.  Kaya nga, ang mga Sakramento ay mga pagdiriwang na wow! Nagbibigay-buhay talaga!

Ang sentro ng liturhiya ng Simbahan ay ang Eukaristiya na nagpapaalala ng Misteryo Paskwal ng ating Panginoong Jesu-Kristo – ang kanyang Pagpapakasakit, Kamatayan at Muling Pagkabuhay, Pag-akyat sa Langit at ang Pagsugo ng Esiritu Santo.  Sa pamamagitan ng Misteryong ito, inaalok sa atin ang kapangyarihan ng mapanligtas na pag-ibig ng Diyos. 

Isang katangiang mahalaga ng liturhiya ay hikayatin tayo na lampasan ang matalik na ugnayang pampamilya tungo sa kaisahang pansambayanan batay sa pananampalataya kay Kristo.  Umuusad tayo tungo sa pagkakaisa  at pagtutulungang nakasalig sa pagiging Kristiyanong alagad at hindi lamang ugnayang panlipunan.

Isang layunin ng panliturhiyang pagdiriwang ay upang tayong mananampalataya’y magbalik sa ating mga karaniwang ginagawa na may bagong lakas sa pananampalataya, pinatatag sa pag-asa at pinag-alab sa kapangyarihan ng pag-ibig.  Nilalayon ng liturhiya na pagtibayin ang ating misyon bilang mga Kristiyano na maging ilaw ng daigdig at lebadura ng masa.  Ang liturhiyang pagsamba kung gayon ay kaugnay sa paglilingkod sa kapwa.

Bakit nga ba muli tayong nagsasama-sama?
Bakit natin ito ginagawa?
Si Jesus ba ang sentro ng reunion?

Sa ating reuinon, pinapaalala sa atin ni Jesus ang ating misyon bilang Kristiyanong alagad, biyayang tinanggap natin sa Binyag at pinagtibay sa Kumpil. 

Pagkatpos ng reunion, what’s next?
Saan ba patungo ang ating reunion?
Hihintayin pa ba nating lumubog ang araw at dumilim pa bago makilala si Jesus at ang ating kapwa?
Handa ba tayong pagpira-pirasuhin at ialay ang buhay sa Diyos at kapwa?





Walang komento:

Mag-post ng isang Komento