Pages

7.14.2010

MARTHA AND MARY



16th Sunday in Ordinary Time
Gospel Reading: Luke 10:38-42
Year C

7.09.2010

THE GOOD SAMARITAN



15th Sunday in Ordinary Time

7.06.2010

LARAWAN: GABAY SA KATEKESIS



Ilan lamang ito sa mga larawang napapaloob sa 'larawan: gabay sa katekesis'
isang tulong biswal para sa mga katekista, guro, mga magulang at sa sinumang itinalaga ang sarili sa pagtuturo.

Isalaysay ang kwento ni Jesus at magkaroong enkwentro sa tulong ng mga biswal na ito.

Ang sinumang interesado, ay maaari lamang makipag-ugnayan sa:
Catechetical Foundation of the Archdiocese of Manila Office
Paco Catholic School
Paco, Manila

o maaaring tumawag sa:
5649376 / 5643650

Para sa iba pang mga larawan, maaari lamang i-klik ang link na ito:

http://www.flickr.com/photos/arthurofthechildjesus/sets/72157624433655620/

7.05.2010

KAILANGAN KITA



Mahalaga ba ang edukasyon?

Mahalaga ba ang paaralan?

Oo…mahalaga ang edukasyon at paaralan.

Ngunit, kung ihahambing sa tao, alin ang mas mahalaga?

Mas mahalaga ang tao sapagkat siya ang ‘subject’ ng pagtuturo.

Ang tao ay mahalaga sapagkat siya ay nilikhang kawangis at kalarawan ng Diyos: “Ngayon, lalangin natin ang tao. Ating gagawin siyang kalarawan natin.” [Genesis 1:26-27]. Ang paaralan ay hindi.

Mahalaga ang edukasyon. Kailangan ang edukasyon. Sapagkat, pinaglilikuran nito ang tao. Hinuhubog ang tao para sa kanyang paglago at pag-unlad. Ito ang ginagamit ng Diyos upang tulungang hubugin ang tao.

Alin sa mga bata o matatanda ang hinuhubog?

Ang ‘intellect’ ng tao. Pangkaisipan. Ang ulo. Dito halos naka-focus ang mga paaralan. Tama ito. Ngunit, hindi lamang ang pangkaisipan ng tao. Ang tao ay meron ding katawan, may kaluluwa, may pag-uugali, may pananamplataya, siya ay kabilang sa isang komunidad. Hinuhubog ang kabuuan ng isang tao, ang pagkatao. Kailangan ang tinatawag na ‘integral evangelization.’

Ang paaralan ay isang ‘venue’ ng isang enkwentro ng tao kay Jesus. Hayaang maka-enkwento ng mga mag-aaral si Jesus. Ito ang pinakapuso at kaluluwa ng isang paaralan – ang ilapit at makaniig ng mga mag-aaral si Kristo.

Halos ganito ang mga katagang aking tinanggap mula sa ating Butihing Arsobispo Guadencio Kardinal Rosales sa harap ng mga pinuno ng paaralan, mga guro, mga mag-aaral at mga Katekista sa katatapos na Holy Spirit Mass na ginanap sa Manila Cathedral noong ika-22 ng Hunyo, 2010. Sinabi ni Jesus, ‘hayaan ninyong lumapit sa akin ang mga bata. Huwag ninyo silang pagbawalan, sapagkat sa mga katulad nila naghahari ang Diyos.’ [Lucas 18:16]

Sa Ebanghelyo ngayong araw, Mateo 9:32-38, sinabi ni Jesus sa kanyang mga alagad, “Sagana ang anihin, ngunit kakaunti ang mag-aani. Idalangin ninyo sa may-ari ng anihin na magpadala siya ng mga manggagawa sa kanyang aanihin.’ [37-38]

Kailangan natin ng mga Katekista na magdadala kay Kristo sa mga tao. Marami ang tinatawag ngunit iilan lamang ang pinili.


7.04.2010

LINGKOD: ISINUGO NI KRISTO




Ika-14 na Linggo sa Kariniwang Panahon

Lucas 10:1-12, 17-20

Sinugo ni Jesus ang Pitumpu’t Dalawa


Maliban sa Labing-dalawang Apostoles, humirang pa si Jesus ng pitumpu’t dalawa. Sila ay mga Lingkod. Ang lingkod ay isinugo ni Kristo: “Humayo kayo! Sinusugo ko kayong parang mga kordero sa gitna ng mga asong-gubat.” [3]. Ang mga lingkod ay parang kordero at hindi ang kordero. Sila ay mga kinatawan ni Kristo sa lugar kung saan sila itinalaga. Hindi ang sarili ang kanilang dala-dala kundi si Jesus – ang Kordero.

Sinabi pa ni Jesus: “Huwag kayong magdala ng lukbutan, supot, o panyapak. Huwag na kayong titigil sa daan upang makipagbatiaan kaninuman.” [4]. Huwag na tayong mag-alinlangan pa sa tungkuling inaatas sa atin. Tuloy lang ang lakad. Deretso lang. Huwag mangamba sapagkat kasama mo si Jesus saan ka man pumunta. Kalimutan mo na ang iyong sarili, ang mga alalahanin na siyang magpapabigat upang hindi ka makasunod kay Kristo ng lubos.

Ang Diyos ay Tagapaglikha ng Kaayusan [Genesis 1:1-31; 2:1-4]. Mula sa magulong mundo tungo sa kaayusan. Ang mga lingkod ay tagapaglikha rin ng kaayusan. Sinabi ni Jesus: “Pagpasok ninyo sa alinmang bahay, sabihin muna ninyo, ‘Maghari nawa ang kapayapaan sa bahay na ito!” [5]. Ang umiibig sa kapayapaan ay umiibig sa kaayusan. May kaayusan kung may kapayapaan.

May mga taong hindi maibigin sa kapayapaan. Kung hindi ka tatanggapin, don’t worry, hindi ikaw ang kanilang inaayawan, kundi ang nagsugo sa iyo - si Jesus. “Kung maibigin sa kapayapaan ang nakatira roon, sasakanila ang kapayapaan; ngunit kung hindi, hindi sila magkakamit nito.” [6].

Kung nakaranas nang di pagtanggap, huwag nang sumama ang iyong loob. Huwag nang magreklamo. Ipagpag mo lang ‘yan. Ngunit, kung ikaw naman ay tinanggap higit pa sa iyong inaasahan, huwag naman lumaki ang iyong ulo. Huwag maging mayabang. Huwag magmamarunong. Alalahanin mo, ikaw ang kumakatawan kay Kristo. Kung ano ang ugali ni Kristo, ganundin ang iyong magiging pag-uugali.

Saan ka ba isinusugo?

Kung ikaw ay isang ama, maging kristiyanong kang ama sa iyong pamilya.

Kung ikaw ay isang ina, maging kristiyanong kang ina sa iyong pamilya.

Kung ikaw ay isang abogado, maging isang kristiyanong abogado ka sa iyong kinabibilangan.

Kung ikaw ay isang doctor, maging kristiyanong doctor.

Kung ikaw ay isang pinuno, senador, kongresista, gobernador, mayor, kapitan ng barangay, maging kristiyano kang pinuno sa iyong komunidad.

Kung isa kang guro, maging kristiyanong guro sa paaralan.

Kung isa kang anak, estudyante, maging isang kristiyanong anak at estudyante.

Ang bayan natin ngayon ay nangangailangan ng isang kristiyanong lingkod.

Kaya, kung meron ka mang katiwaliaan sa iyong sarili, talikuran mo na. Ipagpag mo na. Umpisahan mo sa iyong sarili. At sabihin sa bayan: “Nalalapit na ang paghahari ng Diyos sa inyo!” [9].

Tunay na mararanasan natin ang paghahari ng Diyos [fullness of life] kung tayo ay magiging tunay na kristiyanong lingkod sa lugar kung saan tayo itinalaga.

Kung hindi ka magiging kristiyanong lingkod, pinapaalaala ni Jesus; “sa Araw ng Paghuhukom ay higit na mabigat ang kaparusahan ng mga tao sa bayang yaon kaysa dinanas ng mga taga-Sodoma!” [12].

Ang pagiging kristiyano ay masayang tunay. “Bumalik na tuwang-tuwa ang pitumpu’t dalawa. ‘Panginoon’, sabi nila, ‘kahit po ang ga demonyo ay sumusunod kapag inutusan namin, sa ngalan ninyo.’ Sumagot si Jesus, “Nakita ko ang pagkahulog ni Satanas mula sa langit – parang kidlat. Binigyan ko kayo ng kapangyarihan tumapak sa mga ahas at mga alakdan, at yumurak sa kapangyarihan ng kaaway. Walang makakapinsala sa inyo. Gayunman, magalak kayo, hindi dahil sa suko sa inyo ang masasamang espiritu, kundi dahil sa nakatala sa langit ang pangalan ninyo.” [17-20]. ‘Yun! Nakatala sa langit ang pangalan ninyo. Ito ang higit ninyong ikatuwa.

Sa panalangin, kausapin mo ang Panginoon, “Panginoon, nakatala pa ba sa langit ang aking pangalan? Baka burado na dahil sa mga kagagawan ko na hindi mabuti. Hindi tapat na lingod. Panginoon, nawa’y huwag mabura ang aking pangalan. Nakikita mo naman akong nagsisikap na maging isang kristiyanong lingkod.


1.16.2010

VIVA! SANTO NIÑO



Masaya sa Pilipinas. Maraming bata.
Ang mga Pilipino ay mahilig sa mga bata. Gawa nang gawa ng mga bata. Natutuwa tayo sa mga bata dahil sila ay simple – sa isip, salita at sa gawa. Sa tuwing nagbibigay ako ng workshop on chalk talk, kadalasang problema na sinasabi ng mga kalahok na matatanda o may edad na ay ang hindi marunong magdrowing na hindi ko naman pinaniniwalaan sapagkat meron silang kakayahan na hindi lamang nagagamit o ayaw gamitin. Sila ay nahihiya lamang sapagkat kapag sinabing drowing, ang laging nasa isip ay may tamang sukat, maganda sa paningin ng iba, kaya naman hindi nila matanggap ang kanilang mga ginuhit. Sa ganitong sitwasyon, isa lamang ang sinasabi ko, tingnan ang mga drowing ng mga bata. Meron kang matutunan sa kanila. Matututo ka kung magiging bukas ka at marunong tumanggap ng mga simpleng bagay. In short, kahit na ikaw ay matanda na, magkaroon ka ng katangian tulad ng isang bata – simple, bukas, mapagpakumbaba at marunong kumilala. Lahat tayo dumaan sa pagkabata. Naranasan ang maging bata.

Masaya sa Pilipinas sapagkat mayabong ang pananampalataya.
Kaya naman, hiindi nakapagtataka kung malapit sa puso ng mga Pinoy ang Santo NiÑo – ang batang Jesus. Makikita natin sa bawat pamilya ang pangangalaga sa Santo Niño. Binibihisan nila ito ng magarang damit na parang tunay nilang anak. Minsan, ang pananamit ay depende sa kanilang katayuan sa buhay. Halimbawa, kung ang may-ari ay isang pulis, bibihisan nila itong ng damit pulis. Kung bumbero, damit bumbero na may hawak na pamatay sunog. May makikitang Santo Niño na basketall player, batang gala, at kung anu-ano pa depende sa pananamit. Kaya madaling silang makaugnay sa Diyos sapagkat nakikita nilang ang Diyos ay katulad nila, nakikiisa, kasa-kasama nila.

Dahil sa pagmamahal sa batang si Jesus, gayon na lamang ang pagdiriwang na iniuukol dito. Sa Cebu, may tinatawag na Sinulog. Ayon sa kasaysayan: Nang si Magallanes ay dumating sa Cebu noong Abril7, 1521, kanyang ipinakilala kay Rajah Humabon ang pananampalatayang Kristiano. Di naglaon, nagpabinyag ang hari gayon din ang kanyang asawa at 800 mga taong nasasakupan. Kaugnay rito ang imahen ng Santo Niño sapagkat ayon kay Pigafetta ( isang Italyanong mananalaysay ), ang reyna ay lubhang naakit sa imaheng ito. Ito ang hiningi ng reyna upang ipalit sa mga imahen ng diyus-diyusan .
Makalipas ang 44 na taon, ang pangkat naman nina Urdaneta at Legaspi ang dumating sa Cebu noong Abril 27, 1565. Kanilang natagpuan ang nayon na nilalamon ng apoy. Ito ay nilisan ng mga naninirahan doon dahil sa takot sa mga dayuhan. Natagpuan ni Juan Camus ang imahen ng Santo Niño, sa isang bahay na nasusunog. Ito ang imahen na inihandog sa reyna sa araw ng kanyang binyag.
Ang makasaysayang imahen ay nakatanghal ngayon sa Basilika ng Santo Niño sa Lungsod ng Cebu. Ito ay naging sentro ng paglaganap ng debosyon sa banal na Poon.
Ang imahen ng Santo Niño, samakatuwid , ay bahagi o kaugnay sa pasimula ng pananampalatayang Kristiano rito sa ating bansa na ating tinanggap 400 taon na ang nakalilipas. [ History c/o Tinig – Don Bosco ]
Hanggang ngayon ang Sto. Niño ay isa sa mga tanyag na larawan ni Hesus para sa mga Pilipino. Ito ay nagsasalarawan ng pagkamusmos at pagkapayak ni Hesus. Ang Kanyang larawan ng pagiging isang bata ay huwaran sa lahat ng mga kabataang Pilipino. [KPK # 467]
Ito ang dahilan kung bakit taun-taon, tuwing Ikatlong Linggo ng Enero ay ipinagdiriwang ng buong Pilipinas ang Kapistahan ng Santo Niño. Kaya naman, kahit saang simbahan, may prusisyon ng Santo Niño. Iba-ibang uri ng pagpaparangal sa Santo Niño. May sayawan habang naglalakad. Merong nagpapaulan ng kendi dahil ang bata raw ay mahilig sa kendi. Meron namang naglalagay ng mga putik na kulay tsokolate sa mga sumasama sa prosisyon dahil ang mga bata raw ay mahilig sa tsokolate. Makikita natin na buhay na buhay ang pagdiriwang ng mananampalataya.

Ngunit ang tanong, tunay nga bang buhay na buhay ang pagdiriwang o pawang panglabas lamang ang nakikita natin? Sapagkat ang tunay na pagdiriwang ay lumalago ang mga tao sa kanilang pananampalataya. Lumalago nga ba o nananatili pa ring bata ang pananampalataya? Ang pinakamahalagang pagdiriwang ay ang pagdalo at ang buhay na pakikiisa sa Pagdiriwang ng Banal na Eukaristiya.

Bakit nga ba ipinagdiriwang natin ang Santo Niño?
Ipinahayag mula sa Aklat ng Salmo, “Si Yahweh ay maghahari, magalak ang kalupaan! Lahat kayong mga pulo ay magsaya at magdiwang! Sa langit ay nahahayag yaong kanyang katuwiran, Sa lupa ay makikita ang kanyang kadakilaan” – Salmo 97:1;6.

Ipinagdiriwang natin ang Kapistahan ng Santo Niño sapagkat ang Diyos ay naging Tao. Ang Diyos ay sumasaatin. Nakiisa sa atin. Nakisalamuha. Nakipamahay. Nakisama. “Sapagkat ipanganganak ang isang sanggol na lalaki. At siya ang mamamahala sa atin. Siya ang Kahanga-hangang Tagapayo, ang Makapangyarihang Diyos, Walang hanggang Ama, ang Prinsipe ng Kapaayapaa – Isaias 9:6”. Ipinahay ni Arkanghel Gabriel kay Maria, “Makinig ka! Ikaw ay maglilihi at manganganak ng isang lalaki, at siya’y tatawagin mong Jesus. Magiging dakila siya, at tatawaging Anak ng Kataas-taasan” – Lucas 1:31-32. “Dumating ang oras ng pangangak ni Maria at isinilang niya ang kanyang panganay at ito’y lalaki. Binalot niya ng lampin ang sanggol at inihiga sa isang sabsaban, sapagkat wala ng lugar para sa kanila sa bahay-panuluyan” – Lukas 2:6-7.

Si Hesus ay ipinanganak sa sabsaban tanda ng kababaang-loob ng Diyos. Lumaki sa isang pangkaraniwang pamilya, nakipamuhay kaisa natin sa lahat ng bagay maliban sa kasalanan.
Ang pagdaan ni Hesus sa pagkabata ay nagtataglay ng mahahalagang aral tungkol sa kadakilaan ng pagiging bata, isang yugto na dinaanan o dinaraanan ng lahat.
Siya ay lumaking isang pangkaraniwang tao, nagutom, nauhaw, nagtrabaho, nagdarasal, umiyak, tinukso at nangaral. Siya ay umunlad sa karungungan at kinalugdan ng Diyos at ng tao dahil nakinig Siya sa Kanyang mga magulang ay naging masunurin, maayos ang pananaw sa sarili at bukas ang loob sa lahat ng bagay. [ KPK 501 , 502, 504 ]
Hindi Niya ipinagmalaki ang kanyang pagka Diyos kundi naging simple Siya sa lahat ng bagay at pagkakataon. [ KIK 531-532 ]
Si Jesus ay hindi nanatiling bata. Siya ay naging binata. Ipinako sa Krus. Namatay. At Muling Nabuhay.
Lumago ba ako sa aking pananampalataya? Ang buhay ko ba ay nakaugnay sa aking pananampalataya o magkahiwalay? Nagsisimba at nagdarasal pero hindi marunong gumalang sa kapwa? Nagnanakaw? Pumapatay? Nagsusugal? Nangangalunya? Tsismoso’t tsismosa? Nagmumura? Mapagpaimbabaw? Mapanghusga?
Ito ang problema sa bansang Pilipinas. Hindi magkaugnay ang buhay at pananampalataya. Ngunit, ito naman ang hamon sa atin, ”bridging the gap between the life and faith.”
Sinabi ni san Pablo sa mga taga-Efeso, ”Biningyan niya tayo ng karunungan” (Efeso 1:8). At ito naman ang kanyang panalangi: ”Inaalaala ko kayo sa aking pananalangin at hinihiling sa Diyos ng ating Panginoong Jesu-Cristo, ang dakilang Ama, na pagkalooban niya kayo ng espritu ng karunungan at ng tunay na pagkakilala sa kanya. Nawa’y liwanagan ng Diyos ang inyong mga isip upang malaman ninyo ang ating inaasahan sa kanyang pagkatawag sa atin. Ito’y ang kaluwalhatiang inilaan niya sa kanyang mga hinirang (Efeso 1:16-18).
Ayon kay San Lucas, si Jesus ay ”umuwing kasama nila sa Nazaret, at naging masunuring anak...Patuloy na lumaki si Jesus. Umunlad ang kanyang karunungan at laong kinalugdan ng Diyos at ng mga tao” – Lucas 2:51-52.
Kahit tayo ay malaki na at may edad na, paalaala ni Santa Teresita ng Batang Jesus na magkaroon tayo ng pananampalatayang may katangian ng isang bata. Sa ating pakikipag-ugnayan sa Diyos na ating Ama, tulad ng isang bata, magkaroon tayo ng lakas ng loob at pagtitiwala na lumapit sa kanya. Matuto tayong umasa sa kanya sapagkat alam n’ya ang lahat na pangangailangan natin basta matuto tayong magpakumbaba sa kanyang harapan. Alalahanin palagi na ang Diyos ang unang tumatawag sa atin upang tayo ay makalapit sa kanya. At ito ay oportunidad upang makapiling natin ang Diyos at magkaroon ng malalim na ugnayan sa kanya. Kaya’t hinihikayat ko ang sinumang makababasa nito na matuto tayong manahimik. Sapagkat sa katahimikan, ang Diyos ay nagsasalita sa atin. Siya ay Diyos ng katahimikan. Ang bata ay marunong makinig sa kanyang Ama sa panalangin.

[Katahimikan]

PANALANGIN SA STO. NIÑO

O Sto. Niño, masdan Mo ako ngayon sa iyong harapan na nagpupuri sa Iyo at humihingi ng iyong pagpapala. Sumasampalataya ako sa Iyong kabutihan, sa Iyong kabanalan, at sa Iyong walang hanggang awa, at ako’y buong pusong nananalig na sa paraan ng tapat na pamimintuho sa Iyo ay kakamtin ko ang mga kahilingan ko.

Ikaw, O Panginoong Jesus, ang nagsabi na sinumang humingi ay bibigyan, sinumang humanap ay makatatagpo, at sinumang kumatok ay bubuksan ng pinto, ngayon ay buong kapakumbabaang dumudulog ako sa Iyo upang humingi , humanap at kumatok sa pinto ng iyong awa. Turuan mo pa ako kung paano maitutuwid ang aking buhay upang maging karapatdapat sa Iyong kabutihan.

Huwag mo nawang talikdan, O Sto. Niño, ang aking pagsamo kundi ito’y Iyong dinggin kung nauukol din lamang sa lalong kaluwalhatian ng Diyos at kagalingan ng aking kaluluwa. Amen.

1.01.2010

BAGONG TAON, BAGONG BUHAY




Sinalubong natin ang Bagong Taon na punong-puno ng buhay. Buhay na buhay ang mga tao. Masiglang masigla tayo. Maingay sa ibat-ibang uri ng paputok at torotot. May kantahan. May sayawan. May palaro. Ipinagdiriwang ang Bagong Taon. Ipinagdiriwang sa pamamagitan ng salu-salo: sa Banal na Misa at sa mahabang mesa.

Bagong Taon. Bagong simula.
Magandang simulan ang bagong taon na may sigla na nagmumula sa ating sarili at para sa ating kapwa. At simulan ang paglalakbay na punong-puno ng buhay at pag-asa.

Bagong simula. Bagong buhay.
Simula ng bagong buhay. Sinilang ang isang sanggol na ang pangalan ay Jesus.
Kailangan ng isang sanggol na kakalinga at mag-aaruga sa kanya upang Siya ay mabuhay.
Kailangan n’ya ng isang ina.
Kailangan ni Jesus si Maria. Si Maria ang Ina ni Jesus. Si Maria ay Ina ng Diyos sapagkat si Jesus ay Diyos.

Unang araw ng Bagong Taon, ika-1 ng Enero, ipinagdiriwang ng buong Simabahan ang Kapistahan ni Maria, Ina ng Diyos. Kaya’t higit pa sana ang ating pagdiriwang kaysa pagsalubong sa bagong taon. Nakakalungkot lamang, sa aking karanasan at obserbasyon, kakaunti ang nagsisimba sa araw na ito. Marahil puyat at tulog. Marahil nalasing sa ingay at kasiyahan. Marahil hindi alam na ngayon ay Kapisatahan ni Maria, ang Ina ng Diyos. Ang Ina nating lahat.

Gayunpaman, sa bagong taon na ito, sa bagong paglalakbay, mainam na ipagkatiwala natin ang ating buhay sa mapagkalinga at mapag-arugang pagmamahal ni Maria. Dadalhin at ilalapit tayo ni Maria kay Jesus.

At sa ating paglapit kay Jesus sa pamamagitan ni Maria, nawa’y sumibol ang bagong buhay. Tulad ng sinasabi ng isang awitin:
“Bagong taon, tayo’y magbagong buhay, nang lumigaya ang ating bayan. Tayo’y magsikap upang makamtan natin ang kasaganahan.”

Makapagbabago lamang tayo ng buhay kung tayo ay lalapit kay Jesus. Makiisa tayo sa gawain ni Maria. Kaya’t kailangan natin pagsumikapan din ang paglapit kay Jesus ng sa gayon makamtan natin ang biyaya na dulot ni Jesus sa pamamagitan ni Maria – ang buhay.

Si Jesus ang Buhay. Si Maria ang Ina ng Buhay.
Tayo ay patuloy na inaanyayahan ni Maria na dumalo sa Banal na Eukaristiya upang tanggapin ang Buhay – si Jesus. Kung tatanggapin natin si Jesus sa Banal na Komunyon, hindi lamang tayo ang liligaya kundi pati ang buong bayan. Kailangan natin si Jesus, lalo na ngayong malapit na ang Eleksyon 2010. Ang buhay ng bayan ang nakasalalay dito.

Nag-iingay ang bayan sa pagsalubong ng Bagong Taon upang itaboy at lumayas ang mga masasamang espiritu. Paano maitataboy at lalayas ang masamang espiritu kung nasasaatin mismo lumulukob ang masamang espiritu?

Kung nais nating maging masagana ang buhay natin, ang buhay ng bayan: Iboto si Maria! Maging deboto kay Maria! Sabi nga, “Mother knows best!”