12.02.2009

PAGHAHANDA



Anu-ano ang mga ginagawa natin kapag may darating na bisita?
Siempre, naghahanda.
At anu-ano namang paghahanda ang ginagawa natin?
Karaniwan na ang pag-lilinis ng bahay. Pinapaganda ang loob nito. Nililigpit ang mga kalat. Sinisigurado na maging maayos ang lahat.
Ginagawa natin ito sapagkat espesyal sa atin ang bisita. Nais nating maging kalugod-lugod sa kanya.

Maihahalintulad natin ang bahay sa ating mga sarili. Kailangan ang paglilinis ng loob upang ihanda ang ating sarili sapagkat darating ang nagmamahal sa atin.

Anu-anong paghahanda ang ginagawa mo kapag darating ang iyong manliligaw o nililigawan? ‘Di ba, nag-aayos ka ng sarili? Nand’yan ang naliligo ka. Nagpapaganda. Nagsusuot ng malinis na damit. Umaalingasaw sa pabago. Halos hindi ka mapakali. Pabalikbalik sa salamin para makasiguro na nasaayos ang bawat hibla ng iyong buhok.

Pero, sapat na ba ang paghahanda ng panglabas na kaanyuan. Tulad ng bahay, kailangan ang paglilinis ng loob bilang paghahanda sa isang taong mahalaga sa atin. Ang paghahandang ito ay ginagawa natin sa panahon ng Adbiyento.

Ang Adbiyento ay nangangahulugan ng pagdating ng ating Panginoong Jesuskristo. Tayo ngayon ay nasa Panahon na ng Adbiyento. Bagong taon sa ating “liturgical year”. Ang Adbiyento ay apat na linggong paghahanda – paghahanda sa pagdating ng ating Panginoon.

Ang Simbahan ay nag-aanyaya sa atin tungo sa pagbabago ng ating sarili sa pamamagitan ng pagtanggap ng Sakramento ng Pagbabalik-loob upang maging karapat-dapat at kalugod-lugod tayo sa pagdiriwang ng pagdating ni Jesus – ang kanyang kapanganakan, sa kanyang presensiya sa atin sa ngayon at sa kanyang muling pagbabalik sa huling paghuhukom.

So, ano ang gagawin natin?
Kailangan maging masigasig tayong malaman kung anong suhestiyon ng ating mga Pagbasa sa panahong ito upang ating maging gabay.

Jeremias 33:14-16

Sinabi pa ni Yahweh, “Dumarating na ang araw na tutuparin ko ang aking pangako sa Israel at Juda. At sa panahong iyon, pasisibulin ko ang matuwid na sanga ni David. Paiiralin niya ang katarungan at ang katwiran sa buong lupain. Sa mga araw ring iyon, maliligtas ang mga taga-Juda at mapayapang mamumuhay ang mga taga-Jerusalem. At sila’y tatawagin sa pangalang ito: “Si Yahweh an gating katwiran.”

Ang Pagbasang ito ay nakatuon sa panahon ng kaganapan na ipinangako ng ating Diyos. Ang tekstong ito ay nag-aanyaya sa atin na maging mapagtiwala sa ipinangako sa atin ng Diyos [kapayapaan, katarungan, kaligtasan]. Ang pagtitiwala sa Diyos ay magpapanatili sa ating ugnayansa kanya. Ang Diyos ay Diyos ng mga pangako na tumutupad sa kanyang ipinangako.

Mula naman sa Unang Sulat ni San Pablo Apostol sa mga Taga-Tesalonica, “Palaguin nawa at pag-alabin ng Panginoon ang inyong pag-ibig sa isa’t-isa at sa lahat ng tao, tulad ng pag-ibig namin sa inyo. Kung ito ang mangyayari, palalakasin niya ang inyong loob. Sa gayon, kayo’y mananatiling banal at walang kapintasan sa harap ng ating Diyos at Ama hanggang sa muling pagdating ng ating Panginoong Jesus, kasama ang mga hinirang niya. Mga kapatid, isa pang bagay ang ipinapayo namin sa inyo sa pangalan ng Panginoong Jesus. Sana’y lalo pang paagbutihin ninyo ang pamumuhay ninyo ngayon-pamumuhay ayon sa inyong natutuhan sa amin-upang kayo’y maging kalugod-lugod sa Diyos. Batid naman ninyo ang mga aral na ibinigay namin sa inyo buhat sa Panginoong Jesus” [3:12-13;4:1-2].

Ito ay nakatuon sa pagdating ni Jesus. At iminumungkahi kung paano maghahanda sa pagdating ng Panginoon. Ang susi sa paghahanda ay ang salitang ‘pag-ibig’. Isang pag-ibig na naglilingkod. Umiibig sa lahat. Niyayakap ang lahat. Walang pinipili. Isa pang pamamaraan ng paghahanda ay ang ‘manatiling banal’. Kung ito ay ating pagninilaynilayan, nangangahulugan ito ng pagtalikod sa kasalanan.

Maaaring mukha tayong banal ngunit sa kaibuturan ng ating puso, tayo ay punung-puno ng “butas” [malisyoso, matakaw – tulad ng matakaw sa kapangyarihan, puno ng galit, magnanakaw, at iba pa].

Kung paano pa tayo maghahanda, narito naman ang sinasaad sa Ebanghelyo ayon kay San Lucas 21:25-28; 34-36. “Magkakaroon ng mga tanda sa araw, sa buwan, at sa mga bituin. Sa lupa, ang mga bansa ay masisindak at malilito dahil sa ugong at mga daluyongng dagat. Ang mga tao’y hihimatayin sa takot dahil sa pag-iisip sa mga sakunang darating sa sanlibutan; sapagkat mayayanig at mawawala sa kani-kanilang landas ang mga planeta at iba pang katulad nito na nasa kalawakan. Sa panahong iyon, ang Anak ng Tao’y makikita nilang dumarating na nasa alapaap, may dakilang kapangyarihan at malaking karanagalan. Kapag nagsimula nang mangyari ang mga bagay na ito, magalak kayo sapagkat malapit na ang pagliligtas sa inyo.” “Mag-ingat kayo na huwag magumon sa katakawan at paglalasing at mabuhos ang inyong isip sa mga intindihin sa buhay na ito; baka abutan kayo ng Araw na yaon na hindi handa. Sapagkat darating iyon nang hindi inaasahan ng tao sa buong daigdig. Kaya’t maging handa kayo sa lahat ng oras. Lagi ninyong idalangin na magkakaroon kayo ng lakas upang makaligtas sa lahat ng mangyayaring ito at makaharap sa Anak ng Tao.

Binibigyan diin sa Ebanghelyong ito ang Pagadating ng Anak ng Tao. Bilang paghahanda, tinuturuan tayo kung ano ang ating maging gawi, maging handa at manalangin.

Ang Ebanghelyo ay walang intensiyon na takutin tayo kundi ang palakasin tayo. Nais ipahayag ng Ebanghelista kung gaano kadrama ang pagdating Panginoon.

Sa pagdating ng Anak ng Tao kailangan tayo ay maging handa, ibig sabihin ay pagtalikod sa mga gawaing imoral, mga bisyo, mga takot sapagkat ito ang magpapahina sa puso’t isipan natin.

Sa ating pagdiriwang ng Pasko, kailangan tayo ay nasa diwa ng panalangin at pagpapasalamat upang ating ma-enjoy ang presensiya ng Diyos sa ating puso.

Sa puntong ito, tayong mga Kristiyano ay inaanyayahan na ituon ang ating sarili sa ating buhay pangkaluluwa.

Ang Panahon ng Adbiyento ay naghihikayat sa atin ng suriin ang kaibuturan ng ating loob at isipin kung paano pa higit tayong makipag-ugnayan sa Diyos.

Huwag tayong mabighani sa mga bagay na hindi naman kailangan just to please everybody tulad ng party dito at party doon, sobrang katakawan, bili dito at bili doon.

Kung walang paghahandang pangkaluluwa, ang pagdiriwang ng Pasko ay isa lamang sa mga social events, walang kahulugan, nagsasayang lamang ng pera at oras

Sa panahon ng Adbiyento, nawa’y pagsumikapan nating dumalo sa mga recollections, dumalaw sa Blessed Sacrament, at magkawanggawa.

Maipapakita natin ang pagiging handa sa pagdating ng Panginoon pamamagitan ng pakikilahok sa Banal na Eukaristiya. Sa Banal na Eukaristiya, ipinagdiriwang natin ang pagdating ni Jesus, noon, ngayon at bukas. Sa anyo ng tinapay at alak, isinasagawa ni Jesus ang kanyang pagdating at presensiya sa gitna natin. Sa Banal Na Eukaristiya, nagbibigay tayo ng panahon sa piling ng Pangioon. Ang Banal na Eukaristiya ay sagisag ng walang hanggang pag-ibig ng ating Panginoon. Hindi lamang isang bisita si Jesus kundi siya ay makikipamahay sa atin. Kailangang linisin ang loob, ang ating puso sapagkat doon siya mananahan.

Patutuluyin mo ba si Jesus sa iyong puso?
Kung oo,
Anong paghahanda ang iyong gagawin?

No comments:

Post a Comment

HAPPY NEW YEAR 2010!