Sinasamba ka naming at pinasasalamatan, Panginoong Jesukristo...
Sapagkat sa Iyong pagkamatay at muling pagkabuhay ay tinubos mo kami.
Lucas 22:19-20
At pagkakuha ng tinapay, nagpasalamat siya, pinaghati-hati ito at ibinigay sa kanila na ang wika, “Ito ang aking katawan, na ibinibigay nang dahil sa inyo; gawin ninyo ito bilang pag-aalaala sa akin.” Gayon din ang ginawa niya sa kalis, pagkatapos ng hapunan, na ganito ang sinasabi, “Ang kalis na ito ay ang bagong tipan sa aking dugo, na nabubuhos dahil sa inyo.”
Pagninilay:
Panginoon, sa Huling Hapunan, itinatag mo ang Banal na Eukaristiya upang bahaginan kami ng iyong buhay at ipagpatuloy ang iyong paghahandog ng sarili sa anyo ng tinapay at alak.
”Ito ang aking katawan...”
Mga salitang nag-aanyaya na ’halika, tanggapin mo ako.’ Ngunit, ilang beses ba kitang tinatanggihan na tanggapin sa iyong piging na inihahanda? Halos hindi ako nakikiisa sa salu-salo mo kung saan ikaw ang espesyal na handa. Pagkaing-nagbibigay buhay. Pagkaing hindi lamang kailangan ng aking katawan kundi ng kaluluwa ko.
Mas pinapakinggan ko ang paanyaya ng mundo. Nand’yan ang mga malls na nagsasabing, ’halika, bilhin mo ako, gaganda ang iyong katawan.’ Kaya, mas maraming oras ang inilalagi ko sa loob ng malls. Kaakit-akit ang mga palamuti sa katawan na naka-display. Nabubusog ang aking mga mata sa mga nakikita ko sa loob ng malls. Hindi nakababagot ang bawat sandali. Maingay. Masaya. Busy ang lahat.
Nand’yan din ang mga computer shop na nag-aanyaya na, ’halika, maglaro tayo.’ Kausapin mo ako. Pagmasdan mo ang aking katawan. Nakakaaliw at kamangha-mangha ang bagong teknolohiya. Nakaka-enjoy. Kaya, hindi ko napapansin ang bawat sandali, kung ilang oras na ang inilalagi.
’Halika, kainin mo ako. Ako ang sagot sa iyong sikmurang nag-aalburuto sa gutom.’ Sino ba ang makatatanggi sa inaalok ng mga food chains? Kahit mahal ang mga pagkain, okay lang, sosyal naman ang dating. Oo, kailangan ng katawan ko ang pagkain ngunit kailangan din ng aking kaluluwa ang pagkain na hindi naibibigay ng mga food chains at restaurants.
Mga huwad na tinig din ang nag-aanya mula sa mga higanteng billboard na nangangako ng magandang buhay. Iba’t-ibang patalastas. Iba’t-ibang pangako. Walang kasiguraduhang buhay.
Ito ang aking katawan...ang alok ng mga nakabilad na katawan para sa panandaliang ligaya.
Ito ang aking katawan...bagong unat...bagong tapyas…bagong batak…bagong ukit…
Ito ang aking katawan…lango sa alak…adik sa droga, umuusok sa sigarilyo, sugapa sa sugal…
Katawan...katawan...ohh...katawan...napapagod na ang aking katawan sa iba’t-ibang tinig na tumatawag...’di ko na alam kung sino ang pakikinggan...
Maraming katawan ang naghihirap...halos walang makain sa araw-araw, walang pahinga sa pagtatrabaho upang mabuhay...may karamdaman...
Panginoon, banal ang aking katawan sapagkat ito ang iyong tirahan. Kami ang iyong larawan. Pinabanal mo dahil sa iyong grasya. Patawad kung hindi ko napahahalagahan ang aking katawan. Patawad kung hindi ko napahahalagahan ang iyong Katawan na tanggapin sa Banal na Eukaristiya.
Panginoon, magkaroon nawa ako ng pakikiramay sa iyong paghihirap, at maiaaly ko rin ang aking katawan sa aking kapwa bilang tagapaglingkod. Matutunan ko nawang lumapit sa iyo at sikaping magumpisal upang manumbalik ang aking ugnayan sa’yo dahil sa aking pagiging makasarili ito ay nasira.
Panginoon, ito ang aking katawan...nangangailangan ng iyong awa at nagugutom sa iyong pagmamahal. Akayain mo po ako patungo sa’yo upang matanggap kita ng buo-buo tulad ng pagtangap mo sa akin sa kabila ng aking mga kasalanan.
Panginoon, ang Iyong Katawan...ang aking lakas...ang aking sigla...ang aking buhay.
[Maikling katahimikan]
Ama Namin . . .
Aba Ginoong Maria . . .
Luwalhati . . .
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento