2.22.2011

Mga Ligaw na Anghel


Ilang taon na rin ang nakakaraan nang muli kong mahawakan ang nakaukit na imahen ng ating tipanan.  Sa tuwing pinagmamasdan ko ang sining ng ating pagmamahalan na nakasabit sa dingding, bumabalik ang ala-ala ng lumipas na panahon. 


Sa isang mall, habang ang iyong kaliwang kamay ay nakayakap sa akin, sabay nating binigyang kulay ang inukit na larawan simula ng pag-usbong ng pagsintang 'di magmamaliw.  Ngunit ito rin pala ang simula ng tuluyang paghihiwalay sapagkat kailangan mo nang bumalik sa tahanan ng Amang nasa langit.  


Makalipas ang halos isang dekada, sa muling pagsilip sa ating obra maestra, ngayon ko napagtanto na ito pala ay sining ng paghihiwalay, ng paglisan, ng pamamaalam.  Sa pagkakataon na ito, muli na naman tayong pinagtagpo sa harap ng ating tipan ng pag-ibig upang sa mga sandaling ito, ialay sa'yo ang panalanging: sumaiyo nawa ang kapayapaan sa buhay na walang hanggan.

No comments:

Post a Comment

HAPPY NEW YEAR 2010!