Pages

8.23.2024

PAGMAMAHAL SA DIYOS AT SA KAPWA

St. Rose of Lima Parish Church, Bacacay, Albay

ISANG PAGNINILAY
St. Rose of Lima, Virgin
Secondary Patroness of the Philippines
Matthew 22:34-40

"Ibigin mo ang Panginoon mong Diyos nang buong puso, at ang iyong kapwa gaya ng iyong sarili."

Sa Ebanghelyo ayon kay Mateo ay sinabi ni Hesus ang mahalagang utos na "Ibigin mo ang Panginoon mong Diyos nang buong puso, nang buong kaluluwa, at nang buong pag-iisip, at ibigin ang iyong kapwa gaya ng iyong sarili."  Ito ay isang panawagan sa atin na magkaroon ng tunay na pagmamahal sa Diyos kasama na rin ang pagmamahal at pag-respeto sa ating kapwa tao.

Si Santa Rosa ng Lima ay isang halimbawa ng isang taong masunurin sa utos na ito.  Sa kabila ng kanyang paghihirap at mga pagsubok, nanatili siyang tapat sa kanyang pananampalataya at nagpakita ng pagmamahal sa Diyos sa pamamagitan ng kanyang mga gawa at paglilingkod sa mahihirap.  Ipinakita niya na ang tunay na pagmamahal sa Diyos ay nakaugat sa pagmamahal sa kapwa tao.

Bilang isang katekista, ang ating pagtuturo ay hindi lamang nakatuon sa katuruan ng doktrina ng Simbahan kundi pati na rin sa pagtuturo ng pagmamahal at respeto sa kapwa.  Ipakita natin sa ating mga mag-aaral ang halimbawa ng pagmamahal sa Diyos at sa kapwa sa pamamamgitan ng ating mga salita at gawa.

Ang mga katekista na nasa social media ay may malaking papel sa pagpapalaganap ng salita ng Diyos at pagtuturo ng kabanalan sa online na mundo.  Sa pamamagitan ng kanilang mga post, mga mensahe, at mga aktibidad sa social media, maaari silang maging daan upang ipakita ang pagmamahal sa Diyos at sa kapwa sa isang modernong paraan.

Sa gitna ng maraming distraksyon at negatibong impluwensya sa social media, mahalaga na maging matatag at tapat sa ating pananampalataya at magpakita ng pagmamahal sa Diyos at sa kapwa sa lahat ng oras at pagkakataon.  Sa pamamagitan ng pagtuturo at pagpapakita ng tunay na pagmamahal, tayo ay magiging mga tagpagtaguyod ng pagamamahal at kabutihan sa ating lipunan.

Ang pag-ibig sa Diyos at sa kapwa ay hindi lamang simpleng utos kundi ito rin ay landas patungo sa tunay na kaligyahan at kapayapaan ng ating puso at kaluluwa.  Nawa'y patuloy nating isabuhay at ipamuhay ang mga salitang ito sa araw-araw nating buhay bilang mga alagad ni Hesus sa mundo.

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento